Untitled-1 copy copy

Warriors,kampeon uli; Durant, Finals MVP.

OAKLAND, California (AP) — Hindi nagkamali ng desisyon si Kevin Durant. At walang pagkulapso sa pagkakataong ito sa panig ng Warriors.

Kinumpleto ng one-time MVP at scoring champion ang matikas na kampanya sa Golden State sa natipang 39 puntos para sandigan ang humaharurot at maaksiyong 129-120 panalo at tapusin ang best-of-seven series laban kay LeBron James at sa Cleveland Cavaliers sa 4-1 nitong Lunes (Martes sa Manila).

Trending

LIST: Pet-friendly cafe & restaurants sa Tagaytay!

Hataw din si Stephen Curry sa nakubrang 34 puntos, 10 assist at anim na rebound upang ibaon sa limot ang nakawiwindang na kabiguan sa nakalipas na season sa kabila nang tangan na 3-1 bentahe sa serye.

“We learned from everything we’ve been through,” pahayag ni Curry, back-to-back reigning MVP.”Our perspective, being blessed to play on this stage three years in a row, it’s for these fans, for our organization, for these families.

... I’m just excited to do something special. I’m ready to do it again.”

Kumubra si James, gumabay sa Miami Heat sa 2012 title laban sa Oklahoma Thunder na pinamumunuan noon in Durant, ng 41 puntos, 13 rebound at walong assist. Nag-ambag si Kyrie Irving ng 26 puntos.

Ngunit, sa pagkakataong ito, nag-iba ang tadhana ng dalawang ipinapalagay na pinakamahusay na player sa kanilang henerasyon. Tinanghal na kampeon si Durant at tinanghal na Finals MVP, 10 taon ang nakalilipas mula nang mahirang na second pick sa likod ni Greg Oden sa NBA Draft.

“It’s just a great group of guys, great community, great arena, great fans,” sambit ni Durant sa trophy presentation.

“I’m just so happy to be a part of it. I can’t wait to celebrate with my teammates in the locker room.”

Sentro ng usapin ang posibilidad na maging kampeon si Durant nang lisanin niya ang Oklahoma at sumapi sa Warriors sa off season. Tulad ng isang tunay na kampeon, magilas ang 7-footer forward sa lahat ng aspeto ng laro.

Malaki rin ang naiambag ni Andre Iguodala, 2015 Finals MVP, sa naiskor na 20 puntos at sa malalintang depensa na ibinakod niya kay James.

Nakamit ng Warriors ang unang titulo noong 2015, ngunit nabigong maitala ang back-to-back sa makasaysayang pagkolapso sa Cavs. Sa tinaguring ‘Three Match’, muling nakuha ng Warriors ang pedestal, katuwang ang future hall-of-fame na si Durant.

Ang Warriors ang unang koponan sa Bay Area na nagwagi ng kampeonato sa home game mula nang makamit ng A’s ang World Series sa Game 5 kontra Los Angeles noong 1974.

Sa nakalipas na season, banderang-kapos ang Warriors na makumpleto ang markadong season na kinabibilangan ng 24-0 simula at 73 panalo para burahin ang dating record ng 1995-96 Chicago Bulls.

Nadungisan din ang malinis na marka sa postseason ng Warriors nang matalo ng Cavs sa Game 4. Ngunit, sa pagkakataong ito, nasa Warriors ang huling halakhak.