Pansamantalang sinuspinde ng Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDESM) ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Davao Occidental bilang pag-iingat sa epekto ng magnitude 7.8 lindol na yumanig sa Sarangani nitong umaga ng Lunes, Hunyo 8.
MAKI-BALITA: PHIVOLCS, itinaas sa magnitude 7.8 ang nangyaring lindol sa Sarangani
Batay sa pahayag ng CGDESM, pasok sa suspensyon ng paglalayag ang lahat ng uri ng sasakyang pandagat tulad ng fishing boats, passenger vessels, at commercial watercraft upang matiyak ang kaligtasan ng publiko mula sa mga posibleng aftershocks at kondisyon ng dagat.
Bunsod na rin ng tsunami warning na ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) dahil sa inaasahang pagtaas ng alon na mahigit isang metro kaysa sa karaniwang taas ng tubig-dagat.
KAUGNAY NA BALITA: PHIVOLCS, naglabas ng tsunami warning sa Sarangani dahil sa magnitude-7.0 na lindol
“The suspension covers all fishing boats, passenger vessels, and commercial watercraft until further notice to ensure public safety amid ongoing monitoring of aftershocks and sea conditions,” saad ng CGDESM.
Kaya inaatasan nila ang mga operator ng mga sasakyang ito na maging maagap sa pagsunod sa abiso, gayundin ang mga awtoridad sa pantalan.
“Vessel operators and coastal communities are advised to comply strictly with the directive. Port authorities have been instructed to enforce the suspension,” panawagan ng CGDESM.