TACURONG CITY – Nahaharap ngayon sa kasong administratibo ang dalawang pulis na natakasan ng binabantayang tulak ng ilegal na droga habang nagpapagamot sa isang ospital.
Kinilala ang mga pulis na sina PO1s Jimenez at Tanaleon.
Sila ay kapwa inatasang bantayan si Podzack Mopac, 24, na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan makaraang mabaril ng mga pulis sa isang drug bust sa tapat ng isang tindahan dito.
Sabado ng madaling araw nang makita nina PO1s Jimenez at Tanaleon na wala na sa kama si Podzack.
May nakakita umano kay Podzack na sumakay sa isang motorsiklo na walang plaka at humarurot sa direksyon ng Bayang Lambayong, Sultan Kudarat.
Tinangkang habulin ng police team ang suspek ngunit hindi na sila tumuloy nang pumasok ito sa Bgy. Bulod sa Maguindanao kung saan may kampo umano ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa ngayon ay hindi pinapayagang makaalis ng kanilang istasyon sina PO1s Jimenez at Tanaleon. (Leo P. Diaz)