Patay ang isang lalaki, na umano’y nangholdap sa isang dalaga, makaraang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na ipinarating kay Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 2:30 ng madaling araw naganap ang insidente sa panulukan ng NAIA Road at Pelaez Street, Barangay San Dionisio.

Naghihintay ng masasakyan pauwi ang biktimang si Aya Lopez y Cruz, 20, ng Las Piñas City, nang lapitan at tutukan ng baril ng hindi pa nakikilalang suspek at pilit kinuha ang bag at ilang personal na gamit ng una.

Naglakad lang umano palayo ang suspek na parang walang nangyari.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Noong oras na iyon ay nakita ng biktima ang mga nagpapatrulyang pulis at agad humingi ng tulong at hinabol ang suspek.

Sa halip na sumuko, bumunot ng baril at pinaputukan ng suspek ang awtoridad na napilitang gumanti na ikinamatay ng holdaper.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Office (SOCO) ng SPD, narekober ang isang cal .38 revolver, dalawang basyo ng nasabing baril, isang pakete ng hinihinalang shabu, ang bag at personal na gamit ng biktima at limang basyo ng bala ng .9mm. (Bella Gamotea)