Mistulang hayop na kinaladkad sa kalsada ang bangkay ng hindi pa nakikilalang babae na pinagbabaril ng tatlong lalaki sa Caloocan City, nitong Miyerkules ng hapon.

Sa report kay Police Sr. Supt. Chito Bersaluna, inilarawan ang biktima na nasa edad 30-35, may taas na 5’2”, mahaba ang buhok, kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan.

Nagtamo ng tama ng bala ng cal. 45 sa ulo at likurang bahagi ng katawan.

Kinilala ni Bersaluna ang isa sa mga suspek na si Mark Montes Suba, nasa hustong gulang, ng Barangay 120, Caloocan City.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nabatid na ang mga suspek ay pawang miyembro ng “Ronald Sunga Brothers,” na kilala umanong grupo sa pagtutulak ng ilegal na droga sa lugar.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, bandang 5:00 ng hapon, angkas ang babae sa motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki.

Pumasok ang mga ito sa eskinita sa Bgy. 120 at makalipas ang ilang sandali, apat na magkakasunod na putok ng baril ang narinig.

Maya-maya pa’y lumabas ang tatlong lalaki sa eskinita habang kinakaladkad ang bangkay ng biktima at itinapon sa kalsada.

Ayon kay Bersaluna, taga-Monumento ang biktima at dumayo ito sa Bgy. 120 para bumili ng shabu.

Narekober sa babae ang isang pakete ng umano’y shabu. (Orly L. Barcala)