SUNUD-SUNOD ang trahedya at kasiphayuan ngayon ng ating bansa. Una, ginulantang ang sambayanan nang biglang umatake ang teroristang Maute Group sa Marawi City, kumubkob sa mahahalagang gusali roon, kabilang ang Amai Pakpak Medical Center at simbahan (binihag pa ang pari), habang nasa Russia si President Rodrigo Roa Duterte para sa apat na araw na state visit sa bayan ng idolong Pres. Vladimir Putin.
Ayon sa mga report, kasama ni Mano Digong sa Russian trip ang 200 businessman at si PCOO Assistant Sec. Mocha Uson at actor Robin Padilla. Siyempre kasama rin ang kanyang partner na si Honeylet Avancena at anak na si Kitty. Nagtataka ang marami kung bakit nalusutan ng Maute ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police gayong milyun-milyong piso ang pondong ibinigay para sa kanilang intelligence units upang tiktikan ang mga kaaway.
Isa pang trahedya na kaakibat ng Maute siege ay ang pagkamatay ng 10 sundalo bunga ng tinatawag nilang “friendly fire” bunsod ng pagbomba ng AFP planes sa pinagkukutaan ng mga terorista. Habang nakikipagbakbakan ang mga sundalo at pulis sa Marawi City, isa pang trahedya ang gumulantang sa mamamayan sa pag-atake ng isang gunman sa Resorts World Manila, Pasay City. Sa insidenteng ito, may 38 tao ang namatay (hindi nasawi) at maraming iba pa ang nasugatan.
Itinanggi ni PNP Chief Gen. Bato na ISIS ang may kagagawan nito, pero inaangkin ng ISIS na sila ang nasa likod nito.
Well, sa kabila ng masasama, madudugo at pekeng balita (na nagkalat sa social media), meron din namang mabuti, at ito ay tungkol sa presyo ng kuryente, lalo na ngayong kahit tag-ulan ay mainit pa rin kaya kailangan ang kuryente. Sinabi ni Joe Zaldarriaga, spokesman ng Meralco, na tiyak na bababa ang presyo ng kuryente ngayong Hunyo na lubhang magastos dahil pasukan sa eskuwela, bayaran ng matrikula, uniporme, libro atbp.
May inaasahang refund ang consumers mula sa Meralco. Ito ay P0.75/kwh bawat buwan na magsisimula ngayon hanggang Agosto. Ayon kay Zaldarriaga, mismong ang Meralco ang naghain ng refund sa Energy Regulatory Commission (ERC) bunsod ng “over recovery” para sa 2014 hanggang 2016 na P6.9 na bilyon. Medyo kumplikado at mahirap maintindihin ang industriya ng kuryente. Ang paglabis daw o pagkukulang ng singilin sa kuryente ay depende sa naging presyo ng total consumption ng consumers sa nakaraang buwan.
Dahil sa Meralco refund, bumababa rin ang presyo ng kuryente sa Whole Electricity Spot Market (WESM). Dagdag pa rito ay ang mas mataas na supply ng kuryente na galing sa mga planta, na ang ibig sabihin, eh mas mataas pa sa P0.75/kwh ang magiging aktuwal na pagbaba ng presyo ngayong Hunyo.
Hindi maiwasan ang mga puna sa Meralco kahit nakikinabang ang mga konsyumer. Sa pagbaba ng presyo ng kuryente, inaprubahan naman ng ERC ang pagtataas ng presyo ng Feed-in-Tariff (FIT) nitong Mayo 23. Mula sa presyong P0.1240/kwh, tataas ito sa P0.1830/kwh. Dahil dito, mababawasan ang epekto ng pagbaba ng presyo ngayong buwan, dahil sa FIT na mula sa Renewable Energy (RE) Act o RA 9513, na naging batas noong 2008. Kung tutuusin tanging developers ng RE ang makikinabang sa dagdag-singil at ang apektado ay consumers. Nais ng ERC na pasiglahin ang RE sa bansa, pero dapat nilang naisip na ang tatamaan ay milyun-milyong konsumer.
Siyanga pala, may nagtatanong sa akin kung naibalik na ang supply ng kuryente sa Marawi City at sa iba pang lugar na apektado ng mala-demonyong pag-atake ng mga walang budhing Maute Group? Sige, itatanong ko. (Bert de Guzman)