HINAYANG na hinayang ang netizens fans sa dating PBA player na si Paul Alvarez na nahuli na namang gumagamit ng bawal na gamot nitong Sabado ng gabi, Hunyo 3, kasama ang dalawang kaibigan sa isang bahay sa Quezon City.
Ang tweet ni ABS-CBN correspondent Angel Movido, “Ex-PBA player Paul Alvarez at 2 iba pa naaktuhang gumagamit ng shabu sa isang boarding house sa Anonas, QC.”
Itinanggi raw ni Paul noong una na gumagamit siya ng bawal na gamot kay ABS-CBN correspondent, Angel Movido pero kalaunan ay umamin na rin ito kay DZBB radio reporter Sam Nielsen.
“Na-corner lang talaga ako dahil dala nga nila ‘yan ‘tapos pahihiramin nila ako ng dalawang libo, ganu’n lang po ‘yung nangyari,” sabi ng dating basketbolista.
Pero humirit pang matagal na raw siyang huminto sa nasabing bisyo, “Matagal na po, 2011 pa po.”
Ayon kay Paul, sinet-up siya ng dalawang kasamang nahuling gumagamit.
“Actually, nananahimik po ako sa Valenzuela, tingnan n’yo ‘yung itsura ko. Nakatsinelas lang ako. Sinundo lang po nila ako, ma’am. Na-set up po ako ni Mike at saka ni ano,” kuwento ng dating basketball star.
Matatandaang inaresto si Paul noong April 23 sa Baguio City dahil inireklamo siya ng pananakit ng kanyang live-in partner na si Mary Ann Dungca Ting.
Si Paul ang asawa ng dating aktres na si Almira Muhlach na nakipaghiwalay noong 2011 at nasa poder niya ang mga anak.
Ang isa sa mga reaksiyon ng netizens, “Sinayang ang life, sayang ang galing mo pa naman maglaro nu’ng time mo sa PBA, dahil sa droga, nasira ang buhay.”
Marami pa kaming nabasa na ‘yung iba ay hinuhusgahan si Paul at ‘yung iba ay naawa sa kanya at sana raw ay magbago na siya.
As of press time ay hindi pa alam kung sa kulungan ang bagsak ni Paul o sa rehabilitation center na labas-pasok daw siya. (REGGEE BONOAN)