KAYANIN kaya nina Katrina Halili, Valeen Montenegro, Archie Alemania, at Pekto Nacua ang pamamuhay sa isang lugar na malayo sa nakasanayang buhay sa siyudad? Ito ang aalamin ni Heart Evangelista-Escudero ngayong Linggo (June 4) sa Follow Your Heart.
Sa kabundukan ng Norzagaray, Bulacan ang destinasyon ng dalawang team para makilala ang mga katutubong Dumagat. Bago pa sumabak sa ilang minutong lakaran papunta sa komunidad, binigyan ng pagkakataon ang celebrity guests na magdala ng sampung personal items. Ito lang ang maaari nilang gamitin sa loob ng dalawang araw. Kumpiskado rin ang kanilang mga cellphone. Back to basics din ang lahat dahil kailangan nilang magpaapoy ng kahoy para makapagsaing. Pati ulam, sila mismo ang maghahanap at magluluto.
Ang pamilya Torres nina Tatay Jordan at Nanay Leticia ang makakasama nina Pekto at Valeen. Ang Castillo family naman ang host family nina Katrina at Archie.
Mararanasan ng mga Kapuso stars ang magtayo ng bahay na gawa sa kawayan, pawid, lubid at iba pang bagay na makikita lang sa paligid. Patibayan at pagandahan ang labanan dahil ang mananalo ay may premyong magagamit sa pagtulog nila rito.
Abangan ang exciting episode na ito ng Follow Your Heart bukas, alas-5 ng hapon sa GMA.