ANG mga Kongresistang tumututol o nagrereklamo laban sa ideneklarang martial law sa Mindanao ay hindi naman tagarito, ayon kay Speaker Pantaleon Alvarez. Sa pagtatanggol niya sa martial law, sinabi niya na lahat naman ng mambabatas sa Mindanao ay sinusuportahan ito. Argumentong kanto boy ang ganitong pangangatwiran. Para bang nahuli ka na ng iyong maybahay na may kalaguyo, eh lumulusot ka pa.
Kahit sino ay puwedeng tumutol at ipabasura ang anumang deklarasyon ng martial law, sakop man nito ang buong bansa o ang bahagi nito. Ito ang buod ng probisyon ng Saligang Batas. Hindi lang ang Kongreso ang may kapangyarihang repasuhin at ipabasura ang deklarasyon sa limitadong batayang rebellion o invasion at para sa kaligtasan ng publiko, kundi maging ang Korte Suprema sa kasong idudulog dito ng kahit sinong ordinaryong mamamayan. Bunga ito ng napakasamang nangyari sa bayan nang ipataw ito ni dating Pangulong Marcos.
Dahil sumasang-ayon ang mga Kongresista sa Mindanao kung saan dito ipinataw ni Pangulong Digong ang batas militar, nais ni Speaker Alvarez na huwag na rin itong tutulan ng ibang mambabatas lalo na ng mga hindi tagarito. Gusto yata niya na gawin din ito ng lahat ng nasa Kamara. Napakahirap para sa taumbayan na ipaubaya ang kanilang kapalaran sa kanilang mga kinatawan. Marami sa mga ito ay iisa ang patakarang sinusunod. Kapag nagbungguan ang kanilang personal na interes at kapakanan ng bayan, para sila sa kanilang makitid at makasariling layunin.
Sa panahon ngayon, hindi mo sila maaasahang tumindig at ipaglaban ang kabilang panig ng isyu. Eh, ngayon sila kailangan dahil ang isyu rito ay ang kanilang buhay at kabuhayan. Totoo, may mga mambabatas na nais repasuhin para ibasura ang deklarasyon ng Pangulo. Sila iyong mga tinuran ng Speaker na hindi mga taga-Mindanao. Pero, ‘di ba sa labanan, tunay man o laro, ang nakakakita ng mali at hindi magandang nagaganap sa panig ng bawat isa ay iyong miron o hindi kasali rito? Ang kanilang pananaw sa deklarasyon at epekto nito ay siyang nais marinig ng mamamayan para mabuo nila ang larawan ng nangyayari sa Mindanao.
Isa pa, sa talumpati ni Pangulong Digong sa NAIA pagdating niya sa naudlot niyang pagdalaw sa Russia, sinabi niya na kapag may nakita siyang dahilan, ikakalat niya ang martial law sa Luzon at Visayas. Hindi umano siya mangingiming gawin ito at ipagpatuloy kahit marami ang mamamatay. Ginoong Speaker, hihintayin pa ba natin itong mangyari sa labas ng Mindanao para kumibo ang mga hindi tagarito? Marami nang namamatay sa Marawi dahil sa martial law at kahit hindi kasali sa labanan ay napapahamak. (Ric Valmonte)