Habang isinusulat ito ay kritikal ang isang lalaki na umano’y adik at responsable sa mga holdapan sa kanilang lugar, nang pagbabarilin ng mga armado sa Marikina City kahapon.
Hindi bababa sa 19 na basyo ng bala ang narekober ng mga pulis sa lugar kung saan pinaputukan si John Astrophil Ortiz, 37, ng PDP Village, Barangay Parang, Marikina City.
Sa ulat ng Marikina City Police, na ipinarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong 1:30 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa tapat ng isang convenience store sa Katipunan Street, kanto ng Rainbow St., SSS Village, Bgy. Concepcion Uno.
Pagkalabas sa convenience store ng biktima at pasakay na sana sa kanyang Honda Vios (ASA-6582), ay agad siyang pinaulanan ng bala ng mga suspek, na lulan sa Honda Civic.
Agad isinugod ang biktima sa Amang Rodriguez Hospital upang malapatan ng lunas.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)