SA biglang tingin, katawa-tawa ang balak ng liderato ng Kamara o House of Representatives na markahan ng “absent” ang mga mambabatas na atrasado sa pagdating sa kanilang sesyon. Isipin na lamang na ang mga Kongresista ay mistulang inihahambing sa mga elementary pupils na pinagsasarhan ng pinto ng kanilang mga guro kapag sila ay nahuhuli sa pagpasok sa klase; pagbibigay-diin ito sa kahalagahan ng pagdating sa hustong oras o punctuality.
Naniniwala ako na seryoso ang plano ng liderato ng Kamara na tiyak namang susuportahan ng mga mambabatas. Adhikain nito na gisingin ang kamalayan hindi lamang ng mga Kongresista kundi ng sinuman hinggil sa kahalagahan ng maagap o tamang oras sa pagganap ng makabuluhang gawain. Lalo na nga sa pagdalo sa mga sesyon na tinatampukan ng pagtalakay at pagbalangkas ng makatuturang mga panukalang-batas na makapagpapasulong ng kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan ng bansa.
Hindi maikakaila ang kawalan ng pagpapahalaga ng ilang Kongresista sa kanilang sinumpaang tungkulin. Sa aking pag-ikot sa iba’t ibang political beat noong tayo ay aktibo pa sa peryodismo, nasaksihan ko rin ang tandisang pagwawalang-bahala ng ilang mambabatas sa kanilang misyon.
May pagkakataon na ang isang Kongresista, halimbawa, ay sandaling dadalo sa sesyon upang tumugon lamang sa roll call. Pagkatapos ay bigla itong mawawala upang dumalo naman sa isang okasyon na sinasabing bahagi rin ng kanyang obligasyon bilang isang lingkod ng bayan. Maaaring ito ay nangyayari pa hanggang ngayon.
At may pagkakataon din na ang ilang mambabatas ay nagpaparamihan sa pagliban sa mga sesyon sa kadahilanang hindi mahirap unawain; ang ilan naman sa kanila ay halos hindi na dumadalo... sa sesyon hanggang sa matapos ang kanilang panunungkulan; at tuloy ang pagtanggap nila ng mga biyaya bilang mga mambabatas.
Subalit sa kabila ng naturang mga pagwawalang-bahala ng ilang Kongresista, higit na nakararami sa kanila ang matapat sa pagtupad ng tungkulin. Katunayan, aktibo sila sa pakikipagbalitaktakan sa paghimay ng makabuluhang mga bill upang matiyak na ang mga ito ay karapat-dapat na maging mabuting batas. Ang ilan sa kanila ay halos matulog na sa session hall sa pagbusisi sa mga panukalang-batas.
Mahalaga ang panahon ng mga Kongresista sa pagdalo sa mga sesyon sa maagap o tamang oras, at sa lahat ng pagkakataon.
Ang mga mambabatas na mapagwalang-bahala sa kanilang tungkulin ay walang puwang sa isang huwarang Kamara na pinamumugaran ng mga disiplinadong mambabatas. (Celo Lagmay)