Dinakma ng mga pulis ang 32 anyos na babae habang nakatakas ang dalawa niyang kasamang lalaki matapos umanong sampalin at sugurin ang isang lasing na negosyante sa isang bar sa Pasay City, iniulat kahapon.

Kinilala ni Senior Police Officer 1 Giovanni Arcinue, imbestigador, ang inarestong suspek na si Karen Kay Leonardo, cabin crew, ng Block 5, Lot 3, Verville Belcrest, Pamplona-3, Las Piñas City.

Inaresto si Leonardo matapos ireklamo ni Syva Ryu Cercenia, 33, ng Novaliches, Quezon City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 10:30 ng gabi nitong Sabado, nakikipag-inuman si Cercenia sa kanyang mga kaibigan sa Uno Bar and Restaurant sa Salem Complex, Domestic Road, Barangay 191 nang aksidente niyang mabunggo si Leonardo.

Atty. Claire Castro, wala sa hinagap maging PCO Undersecretary

Sa inis, naiulat na minura ni Leonardo, habang bumabalik ito sa kanyang table kasama ang dalawang lalaki, si Cercenia.

Pagsapit ng 1:20 ng madaling araw, kinompronta ni Leonardo si Cercenia at sinabihan siyang lumabas ng bar. Sa labas ng bar, sinampal umano ni Leonardo si Cercenia at pinagtulungang gulpihin ng dalawang lalaking kasama nito.

Agad namang inawat ng mga bouncer ang mga suspek. Mabilis na tumakas ang dalawang lalaki habang inaaresto ng mga bouncer si Leonardo. Nagtamo ng pasa si Cercenia sa kaliwang mata at iba pang bahagi ng katawan, ayon sa awtoridad.

Nang tanungin ng mga imbestigador, sinabi ni Leonardo na binastos siya ni Cercenia kaya isinumbong niya sa kanyang mga kasama ang nangyari. Itinanggi ni Leonardo na sinampal niya ang biktima at hindi umano niya inaasahan na bubugbugin si Cercenia ng kanyang mga kasama.

Gayunman, tumanggi si Leonardo na banggitin ang pangalan ng dalawa niyang kasama.

Dahil dito, nagsampa ng kaso si Cercenia laban kay Leonardo.

Dinala ang suspek sa Pasay City Jail at nahaharap sa kasong physical injury.

Nagsasagawa na rin ng follow up investigation upang matunton ang dalawa pang suspek. (Martin A. Sadongdong)