Ibinahagi ni Veronica "Kitty" Duterte ang naging reaksyon ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong malaman ang isinagawang pagtitipon ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na nananawagan ng accountability, justice, peace, at transparency.
Ayon kay Kitty, ipinaalam niya sa dating pangulo ang tungkol sa malawakang pagtitipon ng INC, kung saan nagkaroon ito ng maikling mensahe para sa mga Pilipino.
“Sa mga Pilipino, ipagpatuloy niyo 'yan... 'Yun ang sabi ni PRRD,” ani Kitty sa panayam sa tagasuporta ng kanilang pamilya noong Miyerkules, Hulro 1, 2026.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Kitty hinggil sa naging pag-uusap nila ng dating pangulo o kung ano pa ang naging reaksiyon nito kaugnay ng rally.
Matatandaang libo-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo ang nagtipon sa iba't ibang lugar upang ipanawagan ang accountability, justice, peace, at transparency, kasabay ng pagpapahayag ng suporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na nahaharap sa planong pagsasampa ng kasong plunder kaugnay ng umano'y hindi pagdedeklara ng ₱75 milyong campaign donations.
Noong gabi ng Miyerkules nang inanunsyo ng INC ang paglipat nila ng panibagong venue mula sa EDSA patungong Liwasang Bonifacio sa Maynila matapos bawiin ng Quezon City ang kanilang permit na magdaos pa ng ikatlong araw na rally sa People Power Monument.