Ipinagdiinan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na tataas din ang wage-related monetary benefits ng mga manggagawa sa Metro Manila, kasunod ang anila’y historic ₱85 minimum wage hike sa naturang rehiyon.
Aniya, tiyak na mararamdaman at makatutulong ito para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
“Ang pangkasalukuyan [na] kinikita nila ay ₱18,127. ‘Yong nagtatrabaho ng anim na araw, halimbawa po security guard, pagdating po ng July 19, ito po ay magiging ₱19,692. Pagdating po ng January 20, 2027, ito po ay magiging ₱20,345,” saad ni Tolentino sa isang panayam.
Giit pa niya, “Pero hindi lang po ‘yan. Tataas din po ang inyong overtime pay at night shift differential. Tataas din po ang iba ninyong benepisyo. Halimbawa po, nagka-holiday, doble po iyon. So, may mga ripple effects po ito sa ilang benepisyo na mararamdaman po at makakatulong sa ating manggagawa sa Metro Manila.”
Matapos ang nakaambang minimum wage increase, sinasaklaw din nito ang pagtaas ng holiday pay, overtime pay, premium pay, separation pay, 13th month pay, at iba pang mga benepisyo.
Hinikayat din ng kalihim ang mga employer na sumunod sa naturang wage order na ibinaba ng ahensya.
MAKI-BALITA: DOLE, inanunsyo ₱85 minimum wage increase sa Metro Manila