COCO AT RONWALDO copy

PASOK sa Book 2 ng FPJ’s Ang Probinsiyano na pinagbibidahan ni Coco Martin ang utol niyang si Ronwaldo Martin, ang kinikilala ngayon sa independent films community bilang Prince of Indie.

Natatandaan namin noong Agosto ng nakaraang taon nang um-attend ng gala premiere si Coco para sa Pamilya Ordinaryo na pinagbibidahan nina Ronwaldo at Hasmine Killip, natanong ang multi-awarded actor kung wala siyang balak isama sa serye ang kanyang nakababatang kapatid.

“Huwag muna,” tugon ni Coco sa press. “Masyado pang maaga. Pahinugin muna natin. Sabi ko nga, kailangan matutunan muna niya ‘yung pasikut-sikot sa indie. Kapag handa na siya, baka sakali.”

Human-Interest

'Deserve mong i-flex anak!' Bakit nga ba naiyak ang isang guro sa regalo ng isang pupil?

Nang hingan naman ng reaksiyon si Ron (palayas ni Ronwaldo) ng press sa pahayag ng kanyang sikat na utol, maikli lang ang kanyang sagot.

“Ayaw pa po ni Kuya, mag-indie raw muna ako,” sambit ni Ron.

Tulad ni Coco, nagsimulang makilala ang husay sa pag-arte ni Ron sa independent films. Sa Pamilya Ordinaryo, ginagampanan niya ang isang batang ama na nakatira sa kalsada ng Maynila na ang ikinabubuhay ay pagnanakaw.

Dahil sa ipinakitang kahusayan ni Ron sa pelikula, pinarangalan siya sa 2017 Harlem International Film Festival bilang Best Actor.

At ngayon, hindi na siya sa indie films lang mapapanood. Pasok na rin siya sa mainstream TV via Ang Probinsiyano.

Gagampanan niya sa serye ang role bilang miyembro ng isang grupo ng terorista na pamumunuan ng dating senador na si Lito Lapid kasama si Jhong Hilario.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magsasama sa isang primetime project ang magkapatid na Coco at Ronwaldo.

From a source, excited daw si Ron na makasama sa iisang project ang kapatid pero kinakabahan din daw dahil utol niya ang bida sa serye. (LITO T. MAÑAGO)