Dahil sa pagtatalo sa nagkalat na tae ng pusa ay napatay ng polio victim ang kanyang kapitbahay, bago tuluyang winakasan ang sariling buhay sa Tondo, Maynila kamakalawa ng hapon.
Binaril ni Hilario Cuenca, 55, ng 560 Padre Rada Street, Tondo, ang kanyang sarili matapos niyang pagbabarilin at patayin si Edmund Flores, 52.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jonathan Ruiz, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nangyari ang insidente sa loob ng compound kung saan nangungupahan sina Cuenca at Flores, bandang 4:00 ng hapon.
Una rito, kamakalawa ng umaga, nagalit umano si Flores dahil sa madalas na pagkalat ng dumi ng alagang pusa ni Cuenca sa hallway ng kanilang apartment.
Mauuwi na sa mainitang pagtatalo nang pumagitna at awatin sila ng anak ni Cuenca.
Gayunman, pagsapit ng hapon ay inabangan umano ni Cuenca si Flores at pinagbabaril sa hallway ng apartment.
Kahit sugatan, nagawa pang makatakbo pauwi ng biktima at isinugod sa ospital ng kanyang mga kaanak ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas.
Pumasok naman sa kanyang kuwarto ang suspek at nagbaril sa sarili. (Mary Ann Santiago)