MATINDI ang determinasyon ni Brig. Gen. Danilo Lim sa pagkakahirang niya bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA): Disiplina sa naturang ahensiya ng gobyerno na pinamumugaran din ng ilang tiwaling tauhan; lalo na ng mga traffic enforcer na mistulang inutil sa pagpapatupad ng mga batas sa trapiko.

Natitiyak ko na ang gayong nakadidismayang sitwasyon sa MMDA ang pagtutuunan ng panunungkulan ni Lim. Bilang isang military officer – hindi lamang Philippine Military Academy graduate kundi nagtapos din sa West Point sa United States – magiging sandata niya ang military discipline sa pamamahala sa nabanggit na ahensiya.

Ang ganitong pagdisiplina ang malimit nating pinauugong sa nakalipas na pamunuan ng MMDA dahil sa kaliwa’t kanang pangongotong ng ilang traffic enforcer; dahil sa kanilang tandisang pagpapabaya sa trapiko, lalo na sa Edsa. Sila ang nagiging balakid sa paglipol ng mga kolorum na malayang nakapagpapasada sa mga pangunahing lansangan. Hanggang ngayon ay mapapansin pa ang kumpul-kumpol na traffic enforcer na tila walang inaabangan kundi ang mga lumalabag sa batas-trapiko. Ang ganitong pagpapabaya sa tungkulin ay bumabalandra sa ibang traffic enforcer na maipagkakapuri at huwaran sa pamamahala.

Hindi ko kakilala si Lim. Nasubaybayan ko lamang ang kanyang natatanging panunungkulan sa militar at sa iba pang tanggapan ng gobyerno. Nanggagalaiti siya sa mga katiwalian. Sinasabing nagbitiw siya bilang Deputy Commissioner sa Bureau of Customs dahil sa talamak na alingasngas sa naturang ahensiya.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Hindi malayo na bubusisiin din ni Lim ang umano’y mga anomalya na minsang umalingasaw sa MMDA. Magugunita na ang ahensiyang ito ang pinahagingan ni Pangulong Duterte bilang isa sa mga tanggapan na talamak sa mga mandarambong ng pondo ng bayan. Dapat lamang na uugatin ni Lim ang utak ng nasabing isyu sapagkat ito naman ang inaasahan din sa kanya ng Pangulo.

Walang alinlangan na lalong... paiigtingin ni Lim ang implementasyon ng mahihigpit na batas at regulasyon tungo sa paglikha ng malinis na pamahalaan. Pangunahin dito ang paglutas sa nakagagalit na problema sa trapiko. Naririyan pa ang standing order ng Pangulo hinggil sa pagsasampa ng demanda laban sa pamunuan ng mga barangay na pasimuno sa mga tindahan at talyer sa mismong mga sidewalk na dapat lamang pagdaanan ng mga mamamayan. Kahit na ang mismong mga kalsada ay pinahihintulutang gawing garahe ng mga sasakyang pampasahero sa kadahilanang alam ng lahat.

Ang ganitong mga problema ay natitiyak kong malulunasan ni Lim sa pamamagitan ng kamandag ng military discipline na epektibo sa pagpapatino ng mga tiwaling tanggapan, kabilang na ang MMDA. (Celo Lagmay)