Habang isinusulat ang balitang ito, malubha ang isang mag-anak at kanilang kapitbahay matapos martilyuhin ng kanilang kasambahay sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang nakaratay sa Fatima Medical Center ang mag-asawang Simeon, 52, at Jesusa Herrera, 47; anak na si Ma. Katrina Herrea, 17; kaanak na si Josefina Dela Cruz, 42; at kapitbahay nilang si Glenn Samuel Capacitle, 26, pawang nakatira sa No. 58 A. Marulas Market Site, Barangay Marulas.

Nalamog naman sa mga residente at nahaharap sa mga kasong robbery with serious physical injuries at frustrated murder ang suspek na si Ronnie Ralla, 28, stay-in helper.

Sa report ni SPO2 Ray Bragado, dakong 2:30 ng madaling araw, nagising si Simeon dahil sa kaluskos ng suspek na umano’y may kinukuha malapit sa kanyang tinutulugan.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Agad umanong minartilyo ni Ralla sa ulo ang kanyang among lalaki at umakyat sa 2nd floor at dumiretso sa kuwarto ni Ma. Katrina na minartilyo rin.

Nagising si Jesusa sa hiyaw ng anak at nang tumayo para tulungan ang anak ay siya naman ang pinagbalingan ng suspek.

Sa tagpong iyon, nagising si Josefina at tinulungan si Jesusa ngunit hinataw rin siya ni Ralla.

Dito na sumaklolo si Glenn Samuel na kumuha ng steel bar at inihampas kay Ralla, ngunit gumanti ang huli at tinamaan ang una.

Nagtulung-tulong ang mga kapitbahay ng mga biktima at tuluyang ginulpi ang suspek.

Nabawi sa suspek ang limang cell phone, mga ATM card ni Simeon at P384 cash, pati na ang martilyong ginamit sa krimen. (Orly L. Barcala)