Gaano kabilis magbago ang mga sitwasyon sa buhay ng mga peryodista? Kahapon, kumukuha ka ng mga litrato ng mga taong tumatakas sa giyera, nang sumunod na araw ikaw naman ang kinukunan.

Habang nakabuntot sa magkakasunod na apat na armored vehicles kahapon, nakarinig kami ng pumipitong tunog ng mortar.

Nagtakbukan kami na parang wala nang bukas. Naitulak ako at nawalan ng panimbang kaya bumagsak sa lupa ala-Superman.

Ang wide lens ko ang unang nadisgrasya. Nahati ito sa dalawa.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Inakala kong nakahanda na ako para kumober sa giyera pagkatapos tumutok sa mararahas na rally at dispersal ng informal settlers. Nagkamali ako at muntik ko na itong ikamatay.

Pagdating sa airport sa Cagayan de Oro nitong Miyerkules ng umaga, sumakay ako papuntang Iligan at nakipagkita roon sa aming guide bandang 7:30 ng umaga.

Tumulak kami patungong Marawi, pero hindi kaagad nakarating dahil bumagal ang biyahe sa dagsa ng mga tao at mga sasakyang lumilikas sa siyudad.

Kumuha ako ng una kong litrato ng mga lumilikas at ipinadala ang mga ito sa opisina. Determinado kaming makarating sa aming destinasyon, pero pinigilan kami ng napakalakas na buhos ng ulan. Alas kuwatro pa lang ng hapon pero parang takipsilim na agad.

Bago kami bumalik sa aming hotel, nagtungo kami sa evacuation centers upang kumuha ng mga laraan. Pagod na pagod kaya napahimbing ang tulog ko.

Kahapon, 4:00 ng umaga pa lang ay lumabas na kami ng hotel at nagtungo sa maliit na kampo ng Army na dalawang bloke ang layo sa main camp.

Mayroong walong makeshift quarters sa kampo na ikinukubli ng mga kawayan.

May pitong sundalong nakabantay sa loob. Sinabi nila sa amin na ang mga kasamahan nila ay napapalaban sa mga militante sa di-kalayuan.

Naganap ang unang karanasan namin sa mortar nang sumama kami sa pag-abante ng mga sundalo bandang 7:30 ng umaga kasama ang mga reporter at cameramen ng tatlong TV station.

Nayanig kami, pero kailangan naming gampanan ang aming tungkulin. Pumirmi kami nang umaabot sa isang oras bago nagpasyang umalis sa lugar upang maipadala ang aming kuha sa opisina.

Bumalik ang television crews sa main camp at ang iba pa ay nanatili sa mini-camp.

Habang hinihintay ang go-signal para bumalik sa kinaroroonan ng mga sundalo, nakipagkuwentuhan ako sa aming guide malapit sa kanyang nakaparadang sasakyan na inisip naming ligtas na lugar.

May umalingawngaw na putok kaya agad kaming dumapa. Nalaman namin kalaunan nang pumasok kami sa mini-camp na lumusot ang bala sa trunk ng sasakyan at tumama sa bag ko.

Galing ang bala sa .45 caliber pistol at ayon sa isang naroroon, tiyak na ako ang pinuntirya ng bumaril.

Itinago ko ang slug upang magsilbing paalaala sa mga panganib ng aming propesyon. (Mark Balmores)