HAYAN, maging sa AGB Nielsen NUTAM na pinagkakatiwalaan ng GMA-7 ay talo rin sa ratings game ang pilot episode ng Mulawin vs Ravena (12.2%) kumpara sa FPJ’s Ang Probinsyano (12.7%) na parehong maiinit ang mga eksenang ipinalabas nitong nakaraang Lunes.
Sa viewership survey ng Kantar Media ay mas lalong nilamon sa ratings game ang programa ng Kapuso Network (22.5%) versus Kapamilya (41%).
Kaya parati naming inaabangan ang Kantar Media, kapag umabot sa kalahati o higit pa ang naitalang ratings ng mga programa ng ABS-CBN kumpara sa GMA-7 ay tiyak na talo ang huli sa AGB Nielsen.
Pero siyempre, kung maka-GMA-7 ang manonood, tiyak na paniniwalaan nila ang AGB Nielsen and vice versa.
Sa episode ng FPJ’s Ang Probinsyano nitong nakaraang Martes, nang ipalabas ang madugong bakbakan nina Cardo Dalisay (Coco Martin) at Joaquin Tuazon (Arjo Atayde), nagtala naman ng 43.3% vs 20.5% (nationwide); 40.6% vs 21.6% (Urban) at 46.3% vs 19.6% (Rural) ang magkatapat na shows.
At dahil mahigit sa kalahati ang lamang ng FPJAP kumpara sa Mulawin vs Ravena sa Kantar Media ratings, siguradong panalo rin ang una sa AGB Nielsen survery.
As of press time, hindi pa kami nakakakuha ng AGB Nielsen data sa Tuesday episode dahil hindi pa naglalabas ang Kapuso network habang tinatapos namin ang balitang ito.
Sitsit sa amin mismo ng taga-GMA, “Ikaw naman parang bago nang bago, ‘pag talo, siyempre hindi kaagad ‘nilalabas, ‘pag panalo, agad-agad.”
Okay, fine!
Walang dudang winner ang Dos, usap-usapan kasi kahit saan at trending ang bakbakan nina Cardo at Joaquin nitong Martes at wala kaming nabasa sa social media kundi, “ang sama-sama mo Joaquin, mamatay ka na!” at ‘yung iba naman ay nagsabing, “ang galing mo @arjoatayde.”
Mas lalong maraming nag-react na manonood nu’ng masaksak si Cardo ni Joaquin dahil baka maulit na naman daw ang nangyari kay Ador na kakambal ng una.
Bitin na bitin ang mga sumusubaybay sa serye dahil buhay pa rin si Joaquin samantalang tadtad naman ng saksak si Cardo sa pagtatapos ng episode. Cliffhanger kung buhay pa ba o patay na si Cardo.
Pero siyempre, mabubuhay siya dahil hanggang 2018 pa ang programa. Alangan naman may isa pang Coco Martin na lumitaw at palabasing hindi lang pala sila kambal kundi triplets.
Samantala, sa bahay pala nina Arjo nag-dinner ang ilang Probinsyano boys sa pangunguna nina John Prats, Marc Solis at iba pa nu’ng Martes habang pinapanood ang serye nila.