Kuntento pa rin ang maraming Pilipino sa pagkalahatang performance ng administrasyong Duterte, patunay ang “very good” rating na nakuha nito sa first quarter ng 2017, batay sa resulta ng huling Social Weather Stations (SWS).

Sa nationwide survey na isinagawa noong Marso 25 hanggang 28 sa 1,200 respondent, natuklasan ng SWS na 75 porsiyento ng mga respondent ang “satisfied”, 9% ang “dissatisfied”, at 16% ang “undecided” sa mga nagawa ng administrasyon sa nakalipas na quarter. Ito ay katumbas ng net satisfaction rating na “very good” +66, na mas mataas sa “very good” +61 (73% satisfied, 12% dissatisfied) sa fourth quarter ng 2016.

Iniuugnay ng SWS ang “very good” net satisfaction rating sa matatag na rating ng kasalukuyang administrasyon sa Mindanao na excellent +79, at malaking pagtaas sa net ratings sa Visayas (mula +58 sa +67), Metro Manila (+53 sa +62), at sa iba pang bahagi ng Luzon (+56 sa +60).

Napanatili rin ng pamahalaan ang very good ratings sa socioeconomic classes: +69 mula sa +62 sa class E o pinakamahirap; +61 mula sa +55 sa mga nasa upper-to-middle class ABC; at +66 mula sa +61 sa class D o ang masa.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Lumabas din sa parehong survey na tumanggap ang pamahalaang Duterte ng gradong “very good” sa isa, “good” sa 10, at “moderate” sa apat na pambansang isyu na tinanong ng SWS.

Nakakuha ang gobyerno ng “very good” grade sa pagtulong sa mahihirap, “good” sa pagdedebelop ng siyensiya at teknolohiya, paglaban sa terorismo, pagtanggol sa territorial rights ng bansa, pagbibigay ng mga trabaho, paglaban sa krimen, pagbura sa katiwalian, pagresolba sa extrajudicial killings, reconciliation sa mga komunistang rebelde, relasyon sa ibang bansa, at reconciliation sa mga rebeldeng Muslim.

Samantala, nagtala ito ng “moderate” grade sa pagtitiyak na walang magugutom na pamilya, paglaban sa inflation, pagbawi sa tagong yaman ng mga Marcos at kanilang mga kaalyado, at pagresolba sa problema sa trapik, na unang pagkakataon na isinama ang isyung ito sa survey. (Ellalyn De Vera-Ruiz)