Nagbabala ang transport group na Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa mga pasahero na posibleng umabot sa P12 ang minimum na pasahe kapag moderno na ang mga jeepney at naipatigil na sa pamamasada ang mga lumang hari ng kalsada.

Sinabi ni George San Mateo, national president ng PISTON, na hindi papayag ang mga jeepney operator na manatili sa P8 ang minimum na pasahe kapag napalitan na ang mga lumang jeep ng electrical o hybrid jeep.

“Kapag pinalitan na nila ng electric jeep ang mga sasakyan, tiyak ‘yun na magtataas na ang pasahe. Kaawa-awa ang mga pasahero natin. Kaya sila nagtitiyaga silang sumakay sa mga jeep ay dahil ito ang may pinakamurang pamasahe sa lahat ng pampublikong sasakyan,” sinabi ni San Mateo habang nagpoprotesta kahapon sa harap ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Quezon City.

“Hindi ‘yan papayagan na P8 lang [ang pasahe], maniwala magiging P12 ‘yan,” sinabi niya sa panayam ng Balita.

Eleksyon

Sen. Imee, okay lang kahit di binanggit ni PBBM sa campaign rally; tutok kay FPRRD

Nagsagawa kahapon ng tigil-pasada ang mga miyembro ng PISTON upang iprotesta ang nakaambang pag-phase-out sa mga jeep na mahigit 15 anyos na.

Sinabi ni San Mateo na nasa 400 miyembro ng PISTON ang nakibahagi sa pagparada ng nasa 20 jeep, bandang 7:00 ng umaga sa harap ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road, hanggang sa LTFRB.

Nagsagawa rin ng kaparehong transport strike ang mga miyembro ng PISTON sa Cagayan, Isabela, Laguna, Albay, Iloilo, Capiz, Bacolod, Cebu, Davao, General Santos, Butuan at Cagayan de Oro, ayon kay San Mateo.

Una nang inihayag na magkakasa rin ng isa pang tigil-pasada sa Hunyo 5, sinabi ng PISTON na isasagawa nila ang “pinakamalaking transport strike” kapag pormal nang nailabas ang direktiba sa phase-out sa mga lumang jeep.

Kaugnay nito, ipatatawag ng LTFRB ang mga operator ng jeep na nakibahagi sa protest caravan kahapon.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)