Timbuwang ang isang pulis, na isinangkot sa pagdukot sa isang Koreano may tatlong taon na ang nakalilipas, matapos tambangan ng tatlong lalaki na sakay sa dalawang motorsiklo sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Manila Police District (MPD) director Police chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang biktima na si PO2 Frederick Tolentino, 43, dating nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) at residente ng 202A BLC II, Rawis Compound, sa Tondo.

Dead on the spot si Tolentino, na natagpuang nakadukmo sa driver’s seat ng kanyang Toyota Altis (XHS-721), dahil sa mga tama ng bala sa leeg, tenga at likod.

Sa imbestigasyon ni PO3 Michael Maraggun, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 12:20 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Quezon Street, sa Tondo, na sakop ng Barangay 116, Zone 9.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

Napag-alaman na binabaybay ng biktima ang naturang lugar nang pagsalikupan ng dalawang motorsiklo, na kinalululanan ng mga suspek, at pinagbabaril ang una.

Ayon kay Coronel, isinangkot si Tolentino sa kidnapping activity at inilagay sa floating status sa NCRPO. Ibabalik na sana umano ito serbisyo, ngunit siya ay pinatay.

Inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga suspek gayundin ang motibo sa pagpatay. (Mary Ann Santiago)