Dalawang katao, isang pulis at isang drug pusher, ang nasawi habang kritikal ang isa pang pulis sa buy-bust operation sa San Miguel, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina SPO2 Randy Marlon Lebrilla, 45, ng Unit 6, Manhattan Hills, Barangay Salawag, Dasmariñas, Cavite, at Codeng Macabato, alyas Verdugo, 27, ng 213 Matanos Street sa San Miguel.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay inooperahan sa Mary Chiles Hospital si PO1 Mark Pineda, 28, nakatalaga sa MPD-Station 8, dahil sa tama ng bala sa dibdib.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jonathan Ruiz, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), isinagawa ang operasyon dakong 9:20 ng gabi, sa bahay ni Macabato.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng MPD-Station 8 na talamak ang bentahan ng droga sa nabanggit na lugar kaya ikinasa, sa pangunguna ni Lebrilla, ang buy-bust operation.
Si Pineda ang tumayong poseur buyer, ngunit nang magbigay na siya ng signal sa mga kasamahang pulis ay nakahalata umano si Macabato kaya binaril nito si Pineda.
Dito na pumasok sa eksena si Lebrilla at binaril niya si Macabato ngunit pinaputukan din siya nito.
Matapos ang ilang minutong putukan ay nakitang nakahandusay at duguan ang tatlo.
Nakumpiska ang 20 piraso ng basyo ng bala, mga drug paraphernalia at isang cal .45 na baril. (Mary Ann Santiago)