IBINIBIGAY daw ni Pangulong Digong ang kanyang suporta sa planong maglunsad ng imbestigasyon ang Kongreso sa pork barrel fund scam! Nais, aniya, niyang mailantad ang buong katotohanan at hindi “dinoktor” na katotohanan, ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Nagkaroon na ng imbestigasyon ang Department of Justice (DoJ) nang si Sen. Leila De Lima ang kalihim nito at nagbunga ng pagsasampa sa Office of Ombudsman ng mga kasong plunder at malversation of public funds laban sa mga sangkot dito, na kinabibilangan ng tatlong senador. Kay Pangulong Digong, hindi ang mga ito ang buong katotohanan.

Pero, may mga hakbang na ginagawa ngayon ang DoJ, sa pamumuno ni Sec. Vitaliano Aguirre II upang ang kanyang departamento ay gumawa rin ng sariling imbestigasyon. Bagamat tumanggi ang Pangulo na ideklara kung totoong ikinokonsiderang gawing state witnesses si Napoles sa mga kasong kaugnay ng tiwaling paggamit ng PDAF o pork barrel fund.

Pero, si Sen. Francis Pangilinan ay matindi ang pagtutol na maging state witness si Napoles. Ito raw ay hindi kuwalipikado dahil hindi ito ang least guilty sa mga gumawa ng krimen. Aniya, si Napoles ang may pinakamalaking nakulimbat na pera dahil nakaporsiyento ito sa lahat ng mga nakatransaksiyon. “Paano nangyari na ‘yung pinakamalaki ang nakulimbat sa pork barrel, na mas malaki pa sa bawat pulitiko — dahil sa lahat nung congressman at senador na kanyang kasabwat ay may hati siya — ay gagawing state witness?” ani Pangilinan.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Noon pa man ay ipinupursige ko nang gawing state witness si Napoles. Hindi naman isyu rito kung malaki o maliit ang naparte niya sa pork barrel scam. Normal lang na kumuha siya ng bahagi sa ninakaw na pork barrel dahil siya ang gumawa o pinagawa ng paraan para lumabas ang pondo sa kaban ng... bayan. Mechanical lamang ang trabahong ito na iniambag niya.

Ang talagang utak ng anomalyang ito ay ang mga mambabatas at kapwa nila nasa gobyerno na may kapangyarihang magpalabas ng salapi ng bayan. Ginamit lamang nila si Napoles para mapairal nila ang ginawa nilang plano ng pagnanakaw. Kung may nabahagi man siya sa nakaw na pondo, napakaliit lamang nito. Lumaki lamang ang kinita niya dahil naipon ang mga napaparte niya sa dami ng mga mambabatas na ibinubulsa ang kanilang pork barrel at sa dalas na ginagawa nila ito.

Hindi ang klase ni Napoles ang kayang manglamang sa mga mambabatas. Siya ang nakaaalam ng puno’t dulo ng PDAF scam at kung sino ang mga sangkot dito. Kung walang lokohan, mapapairal ang katarungan para sa mamamayan sa pamamagitan niya.(Ric Valmonte)