CAMP SIONGCO, Maguindanao – Labing-isang pinaniniwalaang miyembro ng Maute terror group ang inaresto ng militar kahapon ng umaga.

Kinumpiska rin ng raiding team, na binubuo ng mga operatiba mula sa 6th Infantry Battalion (IB), ang walong hindi lisensiyadong matataas na kalibre ng baril sa pagsalakay, bandang 5:15 ng umaga, sa tatlong bahay sa Barangay Maragondong, Marogong, Lanao del Sur, ayon kay Major General Arnel dela Vega, commander ng 6th Infantry “Kampilan” Division.

Ayon kay Dela Vega, nakatanggap ng tip ang militar mula sa mga residente tungkol sa mga “bagong mukha” sa kanilang komunidad, at armado ang mga ito.

Matapos na maberipika ang impormasyon at magpositibo ang isang-linggong surveillance, ikinasa ng militar ang pagsalakay.

Probinsya

Lasing, ginulpi ng lalaking kinumpronta; patay!

Nakumpiska mula sa mga naaresto ang isang homemade sniper Barret rifle, 60mm mortar launcher, M-60 machine gun, M-14 rifle, M-16 rifle, M1 Garand rifle, at mga bala.

Kaalyado ng Abu Sayyaf Group (ASG), nasamsam din sa mga naaresto ang mga bandila ng grupo, na nangako ng alyansa sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

ABU INGINUSO NG MGA RESIDENTE

Samantala, inaresto naman nitong Linggo ng Joint Task Force Tawi-Tawi (JTF Tawi-Tawi) ang isang miyembro ng ASG sa bayan ng Sitangkai, makaraang ituro ng mga residente.

Kinilala ni JTF Tawi-Tawi Commander Brig. Gen. Custodio Parcon ang nadakip na bandidong si Sahidul Bandhala Jikiri, taga-Bgy. Sipangkot, Sitangkai, Tawi-Tawi.

Ayon kay Parcon, inamin niyang kasapi siya ng Abu Sayyaf at idinetalye ang proseso ng pagpaplano ng pagdukot at seajacking ng kanilang grupo. (PNA at ni Nonoy E. Lacson)