KUMAMBIYO ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa posisyon nito sa war on drugs ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung noong una ay nakasuporta ito, ngayon ay isa na ito sa mga nagpapatigil sa nasabing kampanya. Ayon sa pangulo ng VACC, lumala ang krimen sa bansa at ang mga armadong dapat magpairal ng batas at tagapagtanggol ng mamamayan mismo ang gumagawa ng mga ito. Lalo umanong nakakatakot dahil wala ka nang ligtas sa mga ito.

Ito naman ang dapat asahan. Kapag lumihis ka sa isa sa mga batayang prinsipyo ng demokrasya, na ang gobyerno ay gobyerno ng batas at hindi gobyerno ng tao, malayang nagagawa ng mga makapangyarihan ang nais nila na naaayon sa kanilang sariling layunin. Tingnan ninyo ang mga naiulat na pang-aabuso ng mga inatasan ni Pangulong Digong na magpairal ng kanyang war on drugs.

Sa panahon ng kampanya, ipinangako ng Pangulo na sa nangyayari noong “tanim-bala” sa airport ay ipalulon niya ang bala sa gumagawa nito. Ngayon, kailangan natin siyang marinig sa gagawin niya sa mga pulis na sumalakay sa isang hotel at inaresto ang apat na senior citizen. Ang isa ay baldado na dahil minsan na itong inatake sa puso. Hindi lamang “tanim-droga,” kundi “tanim-bala” pa ang kanilang ginawa.

Eh, napatunayan na gawa-gawa lamang ito dahil ang isinampa nilang mga kaso sa apat na may kinalaman sa itinanim nilang droga at bala ay ibinasura ng piskalya. Hindi pa pinalaya ang apat dahil inapela ng mga pulis ang kaso sa Department of Justice. Inabutan ng kamatayan sa piitan ang baldadong senior citizen. Ipalululon ba ni Pangulong Digong ang bala sa kahit isa sa mga pulis na sangkot dito?

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Apat na pulis naman ng Makati ang nahuli sa entrapment operation ng kanilang kabaro. Dinukot ng walong katao ang magkasintahang negosyante sa kanilang talyer sa Makati, at inikut-ikot sa Pasong Tamo. Hiningan ng P400,000 kapalit... ng kanilang kalayaan, ngunit nang walang maibigay, ipinasanla ang kotse ng kanyang ama at kinuha ang P100,000. Nang pagbantaan na uubusin ang kanilang pamilya kapag hindi naibigay ang balanseng P300,000, nagsumbong na ang mga biktima sa awtoridad.

Ang balitang nauna rito ay ang nadiskubreng tagong piitan sa Station 1, Manila Police Department. Dito sa masikip, mabaho at walang daluyan ng hangin ikinukulong ang mga inaaresto, nang hindi inire-record at hindi sinasampahan ng kaso, ng mga pulis. Sila ay pinatutubos sa kanilang mga kamag-anak.

Ang mga insidenteng ito at ang araw-araw na patayan, na ang iba ay nagaganap tuwing hatinggabi at sa loob mismo ng bahay ng mga biktima, ay garapalang nangyayari dahil hindi sila pinananagot sa batas nang dahil kay Pangulong Digong na ang bukambibig ay “I will kill you.” (Ric Valmonte)