HINDI lamang Buwan ng mga Bulaklak at Kapistahan ang Mayo sapagkat dito sa iniibig nating Pilipinas, ang Mayo ay Buwan ng mga Magsasaka at mga Mangingisda o “Farmers’ and Fisherfolk’s Month.” Batay ito sa nilalaman ng Presidential Proclamation No. 393 na nilagdaan ng dating Pangulong Cory C. Aquino noong Marso 21, 1989. At bilang pagpapahalaga, tuwing sasapit ang ika-22 ng Mayo, ipinagdiriwang ang tinatawag na “Araw ng mga Magsasaka.”

Layunin ng proklamasyon na patuloy na mabigyan ng prayoridad ang agrikultura at pangingisda. Sa tulong ng gobyerno ay magawa ng mga magsasaka at mangingisda na mapalawak ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa. At higit sa lahat, matulungan ng Department of Agriculture ang mga magsasaka at mangingisda na maiangat ang kanilang pamumuhay.

Napakaganda ng layunin ng nasabing proklamasyon. Ngunit nakalulungkot na mula sa rehimeng Cory Aquino, Ramos, Estrada, Arroyo, Noynoy Aquino at maging sa kasalukuyang administrasyon ay bigo at hindi ganap na naipatutupad ang Presidential Proclamation No. 393 sapagkat patuloy na nagkukulang sa tunay na pagtangkilik at pagsuporta ang pamahalaan. Ang mga magsasaka at mangingisda ay nananatiling naaaping sektor ng lipunan. Biktima ng bigay-bawing lupa at kasinungalingan, ng bigong pangako at panlilinlang. May nagha-hunger strike at nagkikilos-protesta. May pagkakataon din na walang makain ang mga magsasaka dahil sa sila ay naging biktima ng matinding tagtuyot o El Niño.

Hindi malilimot ang nangyari sa 600 magsasaka na nagkilos-protesta sa North Cotabato noong Abril, 2016. Humihingi sila ng bigas sa National Food Authority (NFA) sapagkat wala silang naani at walang maisaing dahil sa matinding tagtuyot. Ngunit ang naging sagot sa mga magsasaka ay marahas at malupit na dispersal ng mga tarantadong pulis at SWAT Team. Tatlong magsasaka ang napatay at mahigit 300 ang nasaktan. At bukod diyan, pati mga buntis at mga senior citizen ay dinakip at sinampahan ng kaso.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ngayong Mayo 15 ay ipinagdiriwang ang pista ni San Isidro Labrador—ang patron saint ng mga magsasaka. Si San Isidro ay isang mahirap at karaniwang tao na naging banal sa pagsasaka. Siya ay mabuting magbubukid ni Juan de Vargas sa Madrid, Espanya. Dahil sa kalinisan ng kanyang pamumuhay at katapatan sa gawain, napamahal siya sa kanyang...

panginoong may-ari ng lupa at kinainggitan naman ng mga kapwa niya magsasaka. Katangi-tangi rin ang pagmamahal ni San Isidro sa mga dukha. Namatay siya noong Mayo 15, 1130.

Bilang pagpupugay kay San Isidro at pagpapahalaga sa mga magsasaka, tampok na tanawin ang pagbibigay-buhay sa mga tradisyon sa Pulilan, Bulacan; Sariaya at Lucban, Quezon; San Isidro, Nueva Ecija, Angono, Rizal; San Guillermo, Morong, Rizal; Bgys. Paagahan, Nanguma, San Antonio at Matala-tala, Mabitac, Laguna; Binan, laguna; Cagayan at iba pang bayan at barangay na nagpapahalaga sa mga magsasaka at ang patron saint ay si San Isidro.

Ang mga magsasaka ay sektor ng lipunang Pilipino na mahabang panahon nang nakatanikala at nakasingkaw sa kahirapan tulad ng kanilang mga kalabaw. May matanaw na kaya silang bagong pag-asa at maiangat ang buhay nila sa panahon ng rehimeng Duterte? (Clemen Bautista)