Dahil sa napabayaang appliances, naabo ang anim na stall sa pagsiklab ng apoy sa isang gusali sa Caloocan City, nitong Biyernes ng gabi.
Sa report ng Bureau of Fire Protection ng Caloocan City Fire Station, dakong 8:30 ng gabi nagliyab ang gusali, na pag-aari ni Joselito Lachica, sa Barangay Sangandaan ng nasabing lungsod.
Mabilis na kumalat ang apoy at isa-isang nilamon ang anim na stall na sari-sari ang paninda.
Sa inisiyal na imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa isang beauty parlor sa unang palapag at tuluyang nadamay ang mga katabing puwesto.
Agad rumesponde ang mga bumbero at naapula ang sunog na tumagal ng 45 minuto.
Walang naiulat na nasaktan ngunit mahigit sa P500,000 ang halaga ng ari-ariang natupok. (Orly L. Barcala)