Naitala ng Philippine National Police (PNP) ang mabilis na pagdami ng mga babaeng nabibiktima ng sexual harassment sa Internet, partikular na sa social media, na kinabibilangan ng blackmail at extortion.

Mula sa 56 na reklamong tinanggap ng pulisya noong 2015, lumobo ang bilang na ito sa 192 noong 2016, ayon sa Anti-Cybercrime Group (ACG) ng PNP, batay sa datos nito.

Sa unang tatlong buwan ng taong ito, sinabi ni Supt. Jay Guillermo, tagapagsalita ng ACG, na nakatanggap sila ng hindi bababa sa 50 reklamo sa bansa.

“Most of the victims were females aging from 15 to 35 years old,” ani Guillermo.

National

Embahada ng Pilipinas sa The Netherlands, naglabas ng pahayag sa estado ni Medialdea

Sa pagsusuri sa background ng mga biktima, natukoy na karamihan sa kanila ay naghahanap ng karelasyon online o kaya naman ay nagpadala ng hubad na larawan sa kanilang kasintahan sa Facebook o Viber.

Batay sa karaniwang imbestigasyon sa mga kasong ito, kadalasang humihingi ang suspek ng pera o sexual favour kapalit ng hindi pag-a-upload o pagse-share ng mga hubad na litrato sa social media.

Matatandaang ilang kilalang personalidad na ang nabiktima sa modus operandi na ito, ang huli ay ang basketball player na si Kiefer Ravena na naghain ng reklamo makaraang manghingi ang suspek ng P25,000 kapalit ng hindi pagpapakalat ng litrato ng ari niya.

Sa huling kaso na hinawakan ng ACG, inireklamo ng isang third year college student ang dating nobyo na nakilala lamang sa Facebook.

Ayon kay Guillermo, ilang taon ding nagkaroon ng relasyon ang estudyante sa suspek at tuwing nagkikita ang dalawa ay laging kinukuhanan ng litrato ng lalaki ang biktima habang hubo’t hubad.

Nang magkahiwalay, gumawa umano ang suspek na si Ken Russel Cabalatungan ng photo slide ng lahat ng hubad na larawan ng biktima ay in-upload ito sa isang porn site.

“The suspect also shared the photos to her friends on Facebook,” ani Guillermo.

Inaresto si Cabalatungan sa entrapment operation matapos niyang hilingin sa biktima na magtalik sila sa isang hotel kapalit ng tuluyan niyang pagde-delete sa mga litrato ng dating nobya.

Kaugnay nito, hinimok ng ACG ang mga netizen na protektahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng hindi pagpapadala ng mga sensitibong litrato, o hindi pagpapahintulot na makuhanan ng larawan na maaaring ikapahamak nila.

(AARON B. RECUENCO)