Patay ang isang lalaking nagbibisikleta matapos ma-hit and run ng isang sasakyan sa Parañaque City, nitong Huwebes ng gabi.
Dead on the spot si Gerald Acain, 26, janitor, ng Bacoor, Cavite, dahil sa matinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na ulat ng Parañaque City Traffic Department, dakong 9:30 ng gabi nadiskubre ng rescue team ang duguang bangkay ni Acain sa gilid ng Dr. A. Santos Avenue, Barangay San Dionisio.
Papasok na sa trabaho si Acain, sakay sa kanyang bisikleta, nang biglang mabundol ng isang sasakyan sa lugar.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon si Acain at masama ang pagbagsak sa semento na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa halip na tulungan, tinakasan at humarurot sa hindi batid na direksiyon ang suspek.
Patuloy na biniberipika ang natanggap na impormasyon ng awtoridad na isang trailer truck ang nakabangga sa biktima.
(Bella Gamotea)