Tiniyak ni Assistant Ombudsman Miko Clavano na kasama rin nila ang Iglesia Ni Cristo (INC) sa ipinapanawagan nitong transparency at accountability sa inilunsad na kilos-protesta nitong Martes, Hunyo 30, sa EDSA People Power Monument.
Sa ginanap na press conference nito ring Martes, binalikan ni Clavano ang press conference ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong Hunyo 29 bilang patunay na maraming kakasuhan ang kanilang tanggapan.
Kabilang na umano rito ang mga “cong-tractor” na matagal na nilang iniimbestigahan.
Gayundin, kasama sa binanggit ng Assistant Ombudsman ang anunsiyo tungkol sa pagtatalaga bilang state witness kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manny Bonoan.
“Ang dahilan po kasi kung bakit namin siya ginawang state witness ay dahil sa 'yong grand case of conspiracy and plunder na ang pinakapuno't dulo niyon ay si former Speaker Martin Romualdez,” paliwanag ni Clavano.
Dagdag pa niya, “'Yon po talaga ang kabuuan. That's the context in which he [Ombudsman Remulla] mentioned the case of Senator Marcoleta. So kung accountability po at transparency ang kanilang pinaglalaban, 'yon din po ang aming pinaglalaban dito sa Office of the Ombudsman, na lahat ng nagkakamali ay mananagot sa batas.”
Matatandaang may kaugnayan sa ₱75-million campaign donation na tinanggap umano ni Marcoleta noong 2025 elections ang kasong plunder na isasampa laban sa kaniya.
Kaugnay na Balia: INC, nagtataka bakit kakasuhan si Marcoleta