July 23, 2026

Home BALITA Metro

15-anyos na nanakit ng pump attendant, isinuko ng sariling ina sa mga pulis

15-anyos na nanakit ng pump attendant, isinuko ng sariling ina sa mga pulis
Photo courtesy: Marco Deveza (FB screenshot)

Walang takot na binantaan at sinaktan ng isang binatilyo ang pump attendant sa isang gasolinahan sa Sampaloc, Maynila noong Biyernes, Hunyo 26, sa pag-aakalang hindi siya makukulong dahil sa pagiging menor de edad. 

Sa viral video ng netizen at nakasaksi sa insidente na si Marco Deveza, mapapanood na kinwelyuhan ng binatilyo ang pump attendant mula sa bintana ng jeep bago ito bumaba upang maghamon ng suntukan sa gasolinahan. 

Bago pa tuluyang makaalis sa gasolinahan, binato ng binatilyo ang pump attendant ng basag na bote. 

Mapapanood din sa video na ikinuwento ng pump attendant kay Marco na pinaaalis niya ang binatilyo dahil naka-ban na ito sa kanilang gasolinahan dahil sa pambabalahura sa kanilang banyo at pagnanakaw sa mga nakaparadang jeep. 

“Naka-ban po dito sa’min ‘yon [binatilyo] dahil binabalahura po n’ya yung CR namin. Tapos yung mga nakaparadang jeep sa’min, ninanakawan po niya [binatilyo],” saad ng pump attendant. 

Metro

Ilog sa Antipolo, ‘bumula’ matapos tapunan ng pinaglabahang tubig!

Maririnig din sa usapan na tumama sa braso ng pump attendant ang basag na boteng ibinato ng binatilyo.

Tila hindi pa nakuntento, tinangka pa ng binatilyong isaksak sa pump attendant ang bubog mula sa bote. 

Sa naging pahayag ng media kay Marco noong Lunes, Hunyo 29, narinig pa raw nilang isinigaw ng binatilyo sa pump attendant ang “kahit saksakin kita, hindi ako makukulong.” 

Kaya naiulat na noong Sabado, Hunyo 27, kusang isinuko ng sariling ina ang binatilyo sa Manila Police District (MPD), kung saan imbes na magpakumbaba, mas nanggalaiti at nagbanta pa ang binatilyo. 

Dito ay pinabulaanan din ni PMAJ. Philipp Ines ang pag-aakala ng binatilyo na hindi siya makukulong dahil siya ay isang menor de edad, dahil aniya, kapag alam ng isang menor de edad ang bigat ng kaniyang krimen, maaari siyang maharap sa pagkakakulong. 

Binanggit din ni Ines na sa ilalim din ng ordinansang  “Responsible Parenting” sa Maynila, pagdating sa ika-apat na offense, magulang o guardian na ang mananagot sa menor de edad. 

Samantala, sa hiwalay na panayam ni Ines  sa radyo noon ding Hunyo 29, binanggit niyang hindi na itinuloy ng complainant ang kaso sa binatilyo kaya idinala na ito ng MPD sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) upan sumailalim sa kanilang intervention programs.