Apat na lalaki ang pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City, mula Miyerkules ng gabi hanggang Huwebes ng umaga.
Kinilala ang tatlo sa mga biktima na sina Khadaffy Salik, 41; Paul Vincent Abdao, 28; at isang Antonio Velasco.
Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan ng isa pa, ayon sa awtoridad.
Si Salik ay binaril at pinatay ng tatlong lalaki, pawang nakasuot ng maskara, sa loob ng kanyang bahay sa Aurora Street, Area 5 sa Barangay Pasong Tamo, dakong 11:30 ng gabi.
Ayon sa misis ng biktima, si Helen, nasa sala sila kasama ang kanilang pamangkin nang pasukin ng mga suspek. Sinuyod ng dalawang suspek ang kanilang bahay habang ang isa ang nagdala sa kanya at sa kanyang pamangkin sa kuwarto.
Sinabi ni Helen na pinahiga sila ng suspek bago pumunta sa sala kung saan naiwan si Salik. Maya-maya pa’y nakarinig na sila ng mga putok ng baril mula sa labas ng kanilang kuwarto.
Nang maramdamang wala na ang mga armado, lumabas si Helen at nakitang duguang nakabulagta si Salik. Sinabi ng pulis na 11 tama ng bala ang itinanim sa katawan ng biktima.
Tatlong hindi pa nakikilalang lalaki rin ang nasilayang nakasakay sa isang asul na Toyota Corolla, matapos marinig ang mga putok ng baril sa labas ng inuupahang kuwarto ni Abdao sa Laura Street, Purok 5, Area 5 sa Barangay Old Balara, dakong 12:35 ng madaling araw nitong Huwebes.
Ayon sa pulis, patay na nang matagpuan si Abdao ng kanyang mga kapitbahay at siya ay may apat na tama ng bala sa ulo.
Inilarawan ang mga suspek na nakasuot ng jacket at ilegal na droga ang tinitingnang anggulo sa pagpatay makaraang makakuha ng drug paraphernalia sa kanyang silid.
Pagsapit ng 1:45 ng madaling araw, natagpuan ng awtoridad ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa bakanteng lote sa Austria St., Novaliches. Ito ay may dalawang tama ng bala sa ulo at black eye, ayon sa pulis.
Samantala, dakong 6:10 ng umaga nadiskubre ang bangkay ni Velasco sa harap ng junkshop sa Pook Malinis, Bgy. UP Campus. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)