Bangkay na nang matagpuan ang isang pedicab driver nang pagsasaksakin ng live-in partner ng babaeng tinangka umano nitong halayin sa loob ng isang sementeryo sa Malabon City.

Kinilala ang nasawi na si Rogelio Flores Jr., alyas Turing, 37, ng No. 115 Manapat Street, Barangay Taniong ng nasabing lungsod.

Nahaharap naman sa kasong murder ang suspek na si Melvin Villanueva, nasa hustong gulang, cemetery maintenance ng Tugatog Public Cemetery at nakatira sa Maria St., Bgy. 36, Caloocan City.

Sa report ng Malabon Police, bandang 6:20 ng umaga kahapon, nadiskubre ni Richard Roque, 29, cemetery maintenance, ang bangkay ng biktima.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa salaysay ng mga saksi, pawang ayaw magpabanggit ng pangalan, nakita nilang naglalakad sina Flores at Stephanie Basilio, kinakasama ni Villanueva, dakong 8:30 ng gabi.

Makalipas ang ilang sandali ay nakita naman umanong tumatakbo si Villanueva palabas ng sementeryo at patungo sa covered court sa lugar.

Nagtungo sa police station si Stephanie at sinabing tinangka siyang halayin ni Flores sa loob ng sementeryo.

Ayon sa pulisya, posibleng nagsumbong ang babae sa kanyang kinakasama kaya pinagsasaksak nito ang biktima.

(Orly L. Barcala)