Nalagutan ng hininga ang isang lalaki makaraang mahirapang huminga at tuluyang lumubog sa nililinis na septic tank habang inililigtas ang kanyang kasama sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Patay na si Richard Cabarles, nasa hustong gulang, siphoning at plumbing helper, nang maiahon ng mga tauhan ng Pasig Rescue Team mula sa kinalubugang poso negro.
Sa ulat ng Pasig City Police na ipinarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director Police chief Supt. Romulo Sapitula, dakong 8:00 ng gabi nasawi ang biktima sa loob ng nililinis na septic tank sa Manila Catering Corp., sa Lakeview Drive, Bgy. Bagong Ilog.
Una rito, hinigop, gamit ang plumbing equipment, nina Cabarles at Marvin Canbalon ang laman ng septic tank.
Sa muli nilang pagbalik, nagdesisyon sina Cabarles at Canbalon na lumusong sa masikip na septic tank.
Makalipas ang ilang minuto, dahil sa sobrang baho, ay nahilo umano si Canbalon kaya tinulungan siya ni Cabarles na makaahon.
Ngunit habang inaahon ni Cabarles ang kasama ay siya naman ang nakaramdam ng hilo at nanghina hanggang sa tulyan siyang lumubog.
Agad namang humingi ng tulong si Cabanlon ngunit huli na ang lahat. (Mary Ann Santiago)