Sa rehas ang bagsak ng mag-asawa na umano’y tulak ng ilegal na droga at isa nilang kapitbahay nang makumpiskahan ng shabu sa buy-bust operation sa Parañaque City, nitong Lunes ng gabi.

Isinasailalim sa imbestigasyon si Rodolfo Angeles, 40, at kanyang misis na si Maria Theresa, 38, ng Ina na Laging Saklolo, Valley 8, Barangay San Antonio, gayundin si John Crisologo, 28.

Sa ulat ni Chief Insp. Jerry Amindalan, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Southern Police District, dakong 9:00 ng gabi ikinasa ang operasyon laban sa mag-asawang Angeles.

Isang pulis ang tumayong poseur buyer ng P2,000 shabu sa mag-asawa na kumagat naman sa transaksiyon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Habang inaabot ng mag-asawa ang droga ay tiyempong bumili rin si Crisologo kaya sinama na siya sa pag-aresto.

Nakumpiska sa mag-asawang Angeles ang apat na pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P35,000 at P2,000 marked money.

Kasalukuyang nakakulong ang tatlo sa Southern Police District at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). (Bella Gamotea)