“SI Baby Z, mini me,” post ni Marian Rivera sa kanyang Instagram account habang nasa Italy sila last Sunday nang um-attend sila ni Dingdong Dantes at ng kanilang unica hija sa wedding ng kanyang stylist na si Pam Quiñones at Chris Allison.
Para ngang hindi umalis sa Pilipinas ang big day na iyon nina Pam at Chris dahil lumipad papuntang Italy ang mga kaibigan nila dito sa ‘Pinas para saksihan ang kasal. Hindi lang ang mag-asawang Dingdong at Marian ang naroroon kundi maging ang mag-asawang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos at anak nilang si Luna, dahil stylist din ni Juday si Pam. Sinamantala na rin ng mag-asawa na makapagbakasyon sa Italy.
Kaya ang dalawang bagets nina Marian at Juday, palagay ang loob sa mga kaibigan ng kani-kanilang parents.
Suot ni Marian ang isang baby blue long gown na creation ng kanyang kaibigang Portuguese fashion designer na si Joao Rolo, ganoon din ang kulay ng suot ng mag-amang Dingdong at Baby Z.
Ang hairdresser na si Ms. Celeste Tuviera, tinuruan pa si Zia na magsalita like, “I’m Zia, good morning,” habang kinukunan ng video. Hindi nagsalita si Zia pero nang si Marian na ang magsabi ng “good morning” gumaya ito ng ‘morning’ at iyon na, mini-me nga ni Marian si Zia dahil ang boses ng bagets, parang si Marian ang nagsalita. So, hindi lang small Marian si Zia sa looks, sa boses din pala.
Wala pang post ang mag-asawang Dingdong at Marian, pero siguradong nasa Spain na sila ngayon dahil umalis na rin sila sa Italy pagkatapos ng wedding para bisitahin ang ama ni Marian at iba pang relatives nila roon.
First time na makikita in person ni Lolo Fran Gracia ang apo simula nang isilang ni Marian si Zia noong November 23, 2015.
Tamang-tama ang pagbalik ni Marian sa bansa dahil sa May 20, mapapanood na ang pilot episode ng Tadhana na siya ang host, isang docu-drama na tribute sa overseas Filipino workers, ang kanilang mga karanasan at mga tagumpay sa ibang bansa na pinagtatrabahuhan nila.
Mapapanood ito pagkatapos ng Eat Bulaga tuwing Sabado. (NORA CALDERON)