Nakulong at namatay ang isang binatilyo sa nasunog nilang bahay sa Isla Puting Bato, sa Tondo, Maynila kahapon.
Dahil sa tindi ng sunog sa katawan, halos hindi na umano makilala ang bangkay ng biktimang kinilalang si Froilan dela Cruz, 16, ng Purok 1, Bungad, Isla Puting Bato sa Tondo.
Sa ulat ni Fire Chief Insp. Marvin Carbonel, hepe ng Operations Division ng Manila Fire Department, ganap na 11:26 ng tanghali sumiklab ang sunog sa unang palapag ng bahay na pag-aari ni Armie dela Cruz, ina ni Froilan, sa 54 Purok 1 Bungad, Isla Puting Bato.
Base sa imbestigasyon, posibleng sumingaw na liquefied petroleum gas (LPG) tank ang sanhi ng sunog na mabilis na kumalat sa 30 bahay na pawang gawa sa light materials.
Hindi umano nakalabas ng bahay ang biktima, nagkataong natutulog nang sumiklab ang apoy, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na idineklarang under control dakong 12:00 ng tanghali, bago tuluyang naapula bandang 2:37 ng hapon.
Tinatayang aabot sa 70 ang nawalan ng bahay habang inaalam pa ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
(Mary Ann Santiago)