Inabsuwelto ng Court of Appeals (CA) ang tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim Napoles sa hiwalay na kasong serious illegal detention na isinampa rito ng pinsan at scam whistleblower na si Benhur Luy.

Kasalukuyang nakakulong si Napoles sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City dahil sa nasabing kaso.

Binaligtad ng CA ang desisyon ng Makati Regional Trial Court laban kay Napoles, at ipinag-utos ang agarang pagpapalaya sa dating negosyante.

Gayunman, nahaharap din si Napoles na mas mabibigat na non-bailable na kaso, kabilang ang plunder para sa pagkakasangkot niya sa pork barrel fund scam.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Dalawang buwan na ang nakalipas nang maghain si Solicitor General Jose Calida ng “manifestation in lieu of rejoinder” at tinukoy na nagkamali raw ang lokal na korte sa paghatol kay Napoles.

Binigyang katwiran ng OSG na merong manifestation noong Hunyo 10, 2013 ang special panel of prosecutors mula sa Department of Justice (DoJ) na nagrerekomenda sa dismissal ng reklamo ni Luy.

Batay sa testimonya sa korte ni Luy—na nagtrabaho sa JLN Group of Companies ni Napoles—ikinulong siya ni Napoles sa dalawang lugar upang pigilang ibulgar sa mga awtoridad ang kanyang mga nalalaman tungkol sa mga pekeng non-government organization (NGO) ni Napoles.

Ang mga pekeng NGO ni Napoles ang nasa likod ng pagkuha umano ng bilyun-bilyong pisong halaga ng pork barrel ng ilang mambabatas para sa mga pekeng proyekto.

Giit naman ni Napoles, hindi raw kinidnap si Luy, at batay sa pag-uusisa ng DoJ, nabatid na boluntaryong nanatili ang huli sa kalinga ng isang pari sa Bahay ni San Jose.

Kaugnay nito, nangangamba naman si Senator Francis Pangilinan sa posibilidad na makalaya rin si Napoles sa pork barrel scam.

‘PAANO NA ANG PDAF CASES?’

“Masamang senyales ito dahil una, nangangahulugan na hindi pinaniniwalaan ng korte ang testimonya ni Benhur Luy na siya ring key witness sa mga PDAF cases, o mga kaso sa tinatawag na pork barrel. Paano na ang PDAF cases?” ani Pangilinan.

Aniya, kapag nangyari ito, mauuwi sa wala ang may P10-bilyon ninakaw na dapat sana ay para sa agrikultura at sa mga proyektong pakikinabangan ng mgav magsasaka.

Matatandaang ang testimonya ni Luy ang nagdiin para makasuhan at makulong ang mga noon ay senador pang sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.

MALAKAS ANG PLUNDER

Nilinaw naman ng Malacañang na wala itong anumang kumpromisong kasunduan kay Napoles, at tiniyak na ipupursige ng gobyero ang “strong” na mga kasong plunder laban dito.

“The Court of Appeals acquitting Ms. Janet Napoles involves her illegal detention case. It has no direct impact on her pork barrel cases,” ani Presidential Spokesman Ernesto Abella.

(May ulat ni Genalyn D. Kabiling) (BETH CAMIA at LEONEL ABASOLA)