MAHIRAP pasubalian ang kasabihang “A picture paints a thousand words” kaya ‘di kataka-takang ang isang maganda o kontrobersiyal na larawan na lumabas sa social media, lalo na sa Facebook (FB), ay agad na nagba-viral at pinag-uusapan ng mga netizen at umaani ng mga papuri kapag ito ay kaaya-aya, ngunit binabatikos kapag kinakikitaan ng kapalpakan.
Nito lamang nakaraang linggo ay may mga larawang kuha sa tabing dagat dito sa ating bansa, ng mga banyagang parang gulat na gulat, masasama ang loob at may umiiyak pa habang parang may mga hinahanap, ang nag-viral sa social media – FB, Twitter at mga email – matapos itong unang mai-post sa FB account ng isang nagngangalang Jean Cezar Retulin, isang negosyanteng taga-Boracay.
Opo, walang iba, kuha ang mga larawan sa Isla ng Boracay, isa sa ating “world famous” tourist destination, nito lamang nakaraang linggo at napipiho kong nagpinta ito ng isang masamang imahe sa mga turistang inaasam-asam na makapamasyal sa numero unong beach resort sa buong mundo.
At ang mga banyagang nasa mga larawan ay isang grupo ng mga turistang hangang-hanga sa “Pinoy hospitality” kaya pagdating sa Boracay, ang pinakamimithi nilang mapagtampisawang beach resort, ay diretso agad sa tabing-dagat at buong tiwalang iniwan ang kanilang mga personal na gamit sa lilim ng isang puno at agad pinagsawa ang kanilang mga mata sa gandang kalikasan na marahil dito lamang nila nasilayan.
Ito naman ang siste, pagbalik nila sa lugar kung saan pansamantalang iniwan ang kanilang mga gamit, wala na ang kanilang mga importante at mamahaling gamit pati na ang pera sa kanilang mga bag na gagastusin nila sa matagal na nilang pinangarap na pagbabakasyon sa ating bansa, at dito nga sa Isla ng Boracay.
Nadaanan ni Retulin ang pagkakagulo ng mga banyaga, kinunan niya ng litrato at video ang mga ito, saka nilapitan at inaalam kung ano ang nangyari – dito niya nalamang biktima pala ang grupo ng mga mapagsamantala nating kababayan – ang salisi gang – na ang tina-target na nakawan ay ang mga turistang tiwalang-tiwala na safe ang Boracay sa nararanasan nilang “hospitality” nang sila ay dumating sa ating bansa.
Agad sinamahan ni Retulin ang grupo sa istasyon ng pulis para i-report ang pangyayari, ngunit laking gulat nila dahil may nauna na sa kanilang mga banyaga na nagre-report din na nikawan sila. Marami pala sila na naging biktima ng salisi gang noong araw ding iyon…lahat sila ay nakaramdam na safe ang paligid dahil sa mga ngiting isinasalubong sa kanila ng mga tagarito.
Maraming netizen ang nagkomento at sinisi ay ang kapabayaan ng mga turista. ‘Yung iba naman, ‘di naman daw ito sa ‘Pinas lang nangyayari, kahit na sa pinakamayaman pang bansa marami rin daw ganito…May tama kayo riyan, mga kabayan – pero ako ang sinisisi ko ay ang kapabayaan ng mga pulis sa lugar. Alam ko at ‘di ako magkakamali, kilala ng karamihan sa mga pulis ang malalakas ang loob na mga tirador na ito. Kaya nakakatigil ang mga hoodlum na ‘yan sa Boracay ay dahil na rin sa kanila…malaki kasi ang kanilang “PICTURE” sa bawat pagsalisi!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)