SA pagkabigo ni Regina “Gina” Lopez na makumpirma ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) bilang Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang nagwagi ay ang mga tampalasan sa kalikasan at dambuhalang negosyo. Sabi nga ng isang makatang kaibigan: “Lumuluha ang kalikasan, umiiyak ang kapaligiran.” Ang sinisisi ni Madam Gina sa kanyang kabiguan ay “business interests” at pulitika na humarang sa kanyang kumpirmasyon.
Sa presscon matapos na siya’y tanggihan ng CA, nangingilid ang mga luha sa mata na sinabi niyang naimpluwensiyahan ng mga dambuhalang negosyante at may-ari ng mga minahan ang ilang miyembro ng CA na bumoto laban sa kanya. Sinu-sino ba sila? “If the gov’t is coopted by big business, what hope do the poor have? That if you want to be confirmed by the CA, never go against big business”, galit na pahayag ni Gina Lopez.
Kumanta pa siya ng “I believe I can fly” na nakadipa. Naisip ko tuloy na kung siya’y makalilipad lang na parang si Darna, baka hindi nanaig ang mga negosyante at ang mga “bata” nila sa CA. Teka, sinu-sino ba ang mga kasapi ng CA na “hawak sa leeg” ng bigtime businessmen o sila mismo (mga kongresista at senador) ang mga may-ari ng mining companies?
Sa unang pagkakataon, wala kahit isang bar examinee mula sa mga sikat na kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila—UP, Ateneo, La Salle, San Beda atbp—ang nakabilang sa Top 10. Lahat ng Top 10 ay nagtapos sa mga paaralan sa mga probinsiya. Tinalo ng probinsiya ang Imperial Manila. Nanalo ang promdi sa taga-Siyudad.
Isa itong magandang senyales sapagkat hindi na kailangan pang lumuwas sa Imperial Manila ang mga estudyante mula sa mga lalawigan sa paniniwalang higit na magagaling ang mga propesor at guro sa Metro Manila. Samakatuwid, malaking katipiran ito sa pamilya ng mga mag-aaral na nasa “laylayan ng lipunan” dahil ang mga kolehiyo at pamantasan pala sa kanilang lugar ay may kalidad din at magagaling ang mga guro at propesor.
Nakatutuwang malaman (hindi nakatataba ng puso dahil baka maatake ka) na isang janitor ang nakapasa sa 2016 Bar Examinations. Siya ay isa nang “panyero” ngayon. Siya ay si Ramil Comendador, 35, dating janitor sa Comelec. Labis ang pasasalamat niya sa Diyos. Ayon kay Comendador, inisip niyang mag-aral ng law para makahanay sa professional level ng kanyang ginang na isang engineer. Ngayon, Panyerong Ramil, nakahanay ka na kay Misis at sana’y gamitin ang pagka-abugado sa katotohanan.
Sumikat ang salitang “NAANO” dahil sa pagtatanong ni comedian-senator Tito Sotto kay DSWD Judy Taguiwalo na nakasalang ang nominasyon sa CA. Tinanong siya ni Sotto kung bakit may dalawa siyang anak gayong sa kanyang personal information, si Judy ay single parent. Sumagot si Taguiwalo na ang buhay niya, sapul nang magtapos sa UP hanggang 1986, ay hindi normal sapagkat siya ay kasapi ng Communist Party of the Philippines. Hindi nagustuhan ng mga netizen at ng publiko ang “pagpapatawa” na ito ni Sotto.
Anyway, nag-apologize naman ang komedyanteng senador at sinabing hindi niya layuning hiyain ang solo parents dahil siya ay may anak na solo parent din. Sabi nga ng iba: “Hindi ito Eat Bulaga o kaya’y Iskul Bukol”. Iwasan ang pagpapatawa na may bad taste. Isang friend-journalist na pinalaki at pinag-aral ng isang solo parent (mother) ang bumatikos kay Sotto at sinabing wala siyang karapatan na gawing katatawanan ang mga solo parent.
Tanong uli: Tanggapin na kaya ni Mang Digong ang imbitasyon ni Mang Donald na magpunta sa White House at sila’y ‘magkape’ habang pinag-uusapan ang usapin ng Korean peninsula? (Bert de Guzman)