MAY dalawang panahon o season sa iniibig nating Pilipinas. Ang tag-ulan at tag-araw na pinakahihintay ng marami nating kababayan, partikular na ang mga magsasaka sapagkat panahon ng palay na bunga ng kanilang hirap, pagod, sakripisyo at tiyaga.

At tuwing panahon ng tag-araw, ang simoy at dapyo ng hangin ay parang hininga ng isang nilalagnat. Mainit at maalinsangan. Ngunit sa kabila nito, mapapansin na patuloy sa pamumulaklak ang mga halaman, lalo na tuwing Mayo, tulad ng sampaguita, kampupot, kamia, ilang-ilang at iba pang halaman na ginagamit sa Flores de Mayo o Pag-aalay ng mga Bulaklak sa Mahal na Birheng Maria sa mga simbahan at kapilya. Isang tanawin mula sa una hanggang sa huling araw ng Mayo.

Gayundin ang mga punongkahoy na ang iba’y panahon ng pag-aani at pamimitas ng mga bunga nito tulad ng mangga at iba pa na ang mga bunga ay inaani at pinipitas tuwing tag-araw.

Ang Mayo ay buwan ng mga bulaklak at panahon ng kapistahan sa iba’t ibang barangay at bayan sa mga lalawigan. Sa pagdiriwang ng mga kapistahan, kasabay na binubuhay ang mga tradisyon at kaugaliang nakaugat na sa kulturang Pilipino. At para sa mga Kristiyanong Katoliko, ang buwan ng Mayo ay Buwan ni Maria na ang pagdiriwang at pagpaparangal ay nakasentro sa Mahal na Birhen. Bahagi na ito ng paniniwala ng mga Katoliko na nagsimula daantaon na ang nakalilipas.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Katulad sa Rizal, Bulacan, Laguna, Nueva Ecija, Cavite, Bataan, La Union at iba pang lalawigan, ang Mahal na Birhen ang karaniwang pinaka-patroness ng pagdiriwang ng kapistahan. Sa paglipas ng mga siglo, ang mga Pilipino ay patuloy na nananampalataya at nananalig sa Mahal na Birheng Maria. May paniniwala na ang Mahal na Bihen ay palaging nariyan para tumulong at magpaginhawa sa panahon ng kaguluhan, kalamidad at iba pang pagsubok sa buhay. Para sa maraming Pilipino, ang Mahal na Birhen ay kanilang liwanag, katamisan at pag-asa. At sa paglipas ng panahon, kahit ang mga hindi Katoliko, itinuturing ng nakararami bilang Ina ng Mananakop ang Mahal na Birhen. Maging ang mga kapatid nating Muslim ay magalang na kinikilala ang Mahal na Birhen bilang si MIRIAM—ang Ina ni Hesukristo.

Tuwing Mayo, bilang bahagi ng pagdiriwang at pagbuhay sa tradisyon, maraming deboto ang nagtutungo sa mga makasaysayang dambana ng Mahal na Birhen tulad ng dambana ni Maria sa Piat, Cagayan; Bantay, Ilocos Sur; Manaoag, Pangasinan; Pakil, Laguna at Zamboanga.

Sa Rizal, dinarayo ng mga deboto ang Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay o Nuestra Senora de la Paz y Buenviaje. Kilala rin sa tawag na Mahal na Birhen ng Antipolo. Ang dambana ay matatagpuan sa Katedral ng Antipolo.

Nagsisimula ang panata ng mga deboto tuwing gabi ng Abril 30, kung saan naglalakad paahon sa Antipolo ang mga debotong mula sa Metro Manila at iba pang bayan. May naglalakad mula sa Quiapo Church. Ang ibang deboto ay nag-uumpisa naman maglakad sa tapat ng Meralco building sa Ortigas Avenue, Pasig City. Nakararating ang mga deboto bandang 4:00 ng madaling araw ng Mayo 1. Matapos dumalo sa Misa, ang mga deboto ay nagbabalik muli sa kanilang bayang pinagmulan na taglay sa puso, diwa at damdamin ang alaala ng kanilang pamamanata. (Clemen Bautista)