NANGHIHINAYANG daw si Pangulong Rodrigo Duterte sa hindi pagkumpirma ng Commission on Appointments (CA) sa nominasyon ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Nagsalita, aniya, ang lobby money. Ito ang tinuran ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Davao City sa harap ng mga empleyado ng National Orthopedic Hospital. Kailangan pa ba niyang sabihin ito? Masalapi ang mga nasagasaan ni Lopez sa maikling panahong ginampanan niya ang kanyang tungkulin para pangalagaan ang kapaligiran. Ang iba nga rito ay miyembro pa ng CA. Kaya, normal lang na magtulung-tulong ang mga ito sa pamamaraang alam nila sa pagtaguyod ng kanilang makasariling interes at isa nga rito ay gamitin nila ang kanilang salapi na panuhol sa mga mambabatas na kasapi ng CA.

Kung interesado ang Pangulo na manatili sa kanyang Gabinete si Lopez, kayang-kaya niyang impluwensiyahan ang mga mambabatas. Palusot lamang iyong sabihin niyang ganyan ang demokrasya at ang pagbasura ng CA sa nominasyon ni Lopez ay kapangyarihan nito na wala siyang kinalaman dito. Bakit napagalaw niya nang iisa ang kaalyado niya sa Kongreso upang ipakitang sangkot sa droga si Sen. Leila de Lima ayon sa kanyang akusasyon? Noong inimbestigahan ng Senate Committee on Justice ang extrajudicial killing at ang mga iprinisintang testigo ay iniuugnay kay Pangulong Digong, tinanggal ng kanyang mga kaalyado sa Senado si Sen. De Lima bilang chairperson ng committee at ipinalit si Sen. Richard Gordon. Kaya, bukod sa nilimitahan ni Gordon ang panahon ng pagdinig at mga tetestigo, inabsuwelto si Pangulong Digong sa report na inilabas ng committee.

Sa nangyaring imbestigasyon, si Sen. Alan Peter Cayetano ang maingay na nagtanggol sa kanya. Eh, ito ang pinangakuan niyang itatalagang kalihim ng Department of Foreign Affairs. Kung sinuportahan ng Pangulo si Lopez, si Cayetano sana ang madaling manguna para itaguyod ang nominasyon nito. Ang problema, siya ang isa sa mga nagtanong kay Lopez.

Pinalabas niya na ilegal ang mga ginawa nito lalo na iyong pagpapataw ng P2 milyong multa sa mga nagmiminang sinira ang kapaligiran. Dapat, aniya, ay may basehan ito sa batas. Kaya, isa siya sa mga bumoto para ibasura ang nominasyon ni Lopez.

Kung pagsunod sa batas ang pag-uusapan, wala namang pinagkaiba sina Pangulong Digong at Lopez, kung sa tingin ni Cayetano labag sa batas ang ginawa ni Lopez. May batas bang sinunod ang kampanya ng Pangulo laban sa droga na, ayon sa pulisya, ay mahigit 10,000 na ang napatay? Kung hindi man sumunod sa batas si Lopez, ang kampanya naman niya ay para ipagtanggol ang kalikasan at tulungan mabuhay nang matino ang mga pinadukha ng mga sumira ng kanilang kapaligiran sa pagmimina. (Ric Valmonte)