LIDER pa rin ang ABS-CBN sa larangan ng pagbabalita at paghahatid ng aliw sa mga manonood sa pangunguna ng TV Patrol at “FPJ’s Ang Probinsyano sa listahan ng mga pinakapinanood na programa nitong Abril.
Base sa viewership survey data ng Kantar Media, siyam na Kapamilya programs ang pasok sa top ten na pinakapinanood na programa noong nakaraang buwan. Nakakuha ang Kapamilya network ng average audience share na 43% mula sa urban at rural homes, kumpara sa GMA na mayroong 34%.
Buong buwan pa ring namayagpag ang FPJ’s Ang Probisnyano sa naitalang average national TV rating na 37.7%. Ang TV Patrol naman ang pangunahing source ng balita ng mga manonood sa nakamit na average national TV rating na 29.1%, kumpara sa katapat nitong 24 Oras na nakakuha naman ng 18.6%.
Kasama rin sa listahan ang The Voice Teens na nagrehistro ng 35.5% ang pagbabalik upang itanghal ang boses ng kabataang Pinoy. Hindi naman pinalampas ang mga nakatutuwang talento ng Kapamilya child stars sa pag-perform at panggagaya ng sikat na artists sa Your Face Sounds Familiar Kids na nakapagtala ng 34.5%, at ang Wansapanataym na nakakuha ng 32.6%.
Patuloy ring inaabangan tuwing Sabado ang ang mga tunay na karanasan ng letter senders sa Maalaala Mo Kaya (31.8%) na nagbibigay inspirasyon sa mga manonood.
Tinatangkilik naman sa larangan ng current affairs ang Rated K na nakakuha naman ng average national TV rating na 20.5%.
Pasok din sa top 10 ang mga pampamilyang kuwento ng My Dear Heart (26.5%) at Home Sweetie Home (23.3%).
Sinusubaybayan na rin ang pag-uumpisa ng kuwento ng Pusong Ligawna nakapagtala ng average national TV rating na 17.9%. Makabagbag-damdamin naman ang naging pagtatapos ng afternoon series na The Greatest Love, na nagpakita ng wagas na pagmamahal ng ina para sa anak at nagkamit ng 14.4%.
Namayagpag din sa buong bansa ang ABS-CBN sa lahat ng time blocks, partikular na sa primetime (6PM – 12MN) sa naitalang average audience share na 49%, na tumalo sa 33% ng GMA.
Sinubaybayan din ang ABS-CBN sa morning block (6AM-12NN) sa pagtala nito ng average audience share na 34% kumpara sa GMA na may 33%, sa noontime block (12NN-3PM) sa pagrehistro nito ng 42% laban sa 36% ng GMA, at sa afternoon block (3PM-6PM) sa pagkamit nito ng 43% laban sa 35% ng GMA.
Ang ABS-CBN din ang naghari sa iba pang mga lugar sa bansa. Sa Total Balance Luzon, nagtala ang Kapamilya network ng average national audience share na 44% kumpara sa GMA na may 36%; sa Total Luzon sa pagrehistro nito ng 39% kumpara sa GMA na may 36%; sa Total Visayas na may 51% kumpara sa 28% ng GMA; at Total Mindanao na may 52% laban sa 29% ng GMA. (ADOR SALUTA)