Matapos amining may malaking problema sa siksikan ng mga piitan sa bansa, kasama na ang mga nasa himpilan ng pulisya, nagmungkahi ng paraan si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa upang pansamantalang malutas ito.

Ayon kay Dela Rosa, habang pinaplano na ang pagsasaayos at konstruksiyon ng detention facilities sa mga himpilan ng pulisya, kailangang maging mapamaraan ang mga police commander para malutas ang pagsisikip ng mga kulungan.

Kaya nangmungkahi ang opisyal na maaaring pag-isipan ng mga hepe na itali na lang ang kanilang mga preso sa iron grill o sa iba pang mga poste sa loob ng presinto.

“We should be transparent. Bahala na kung parang maging inhumane situation. So, itali na lang ang mga kamay para ‘di makalayas, diskarte na lang,” sabi ni dela Rosa.

National

3 lugar sa PH, makararanas ng 'dangerous' heat index sa Miyerkules

“I’m just practical. What would the police do if they no longer have a place to detain prisoners?” dagdag pa niya.

Matatandaang inulan ng batikos ang Chief PNP sa umano’y pagtatanggol sa mga pulis na nasa likod ng tinaguriang “secret jail” sa Manila Police District-Station 10.

Matatandaang ibinulgar ng Commission on Human Rights ang nasabing piitan, na nang salakayin ay nadiskubre ang pagkakakulong doon ng 12 drug suspect.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Dela Rosa ang nationwide inventory sa lahat ng detention cell sa bansa.

Sinabi ni Dela Rosa na isasagawa ito upang matiyak na kung mayroon mang ganito sa ibang presinto o opisina ay maipatigil kaagad dahil ito ay ilegal.

“I ordered all my regional directors to conduct inventory. There should be no more similar jails in their respective areas,” sabi ni dela Rosa.

Sinabi niya na mahalaga rin ang inventory para sa kanyang pinaplanong pangmatagalang solusyon sa mga problema sa siksikang selda.

Nauna nang naging isyu sa pulisya ang mga kulungan sa himpilan ng pulisya na lalo pang sumikip kasunod ng kampanya kontra droga.

Umaabot sa 600,000 ang hinihinalang tulak at adik na naaresto simula Hulyo 2016.

Ang inisyal na hakbang, ayon kay dela Rosa, ay ang pag-apela sa Kongreso para sa karagdagang pondo sa pagkukumpuni at konstruksiyon ng police detention facilities.

“We will really appeal this next budget cycle. When we pass our budget proposal, we will propose for renovation and extension of our congested jails,” ani Dela Rosa. (AARON B. RECUENCO)