Inihayag kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na aabot sa P1.85 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsala sa pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa isang planta sa Davao City nitong Sabado.

Sinabi ni Maj. Gen. Rafael Valencia, commanding general ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, na kabilang sa mga nasira ang mga gamit ng planta ng Lapanday Food Corporation sa paggawa ng kahon na nilalagyan ng saging.

Ayon kay Valencia, malaki ang epekto, lalo na sa mga manggagawa, ng pag-atake ng mga rebelde, partikular para sa mga nasa banana industry dahil sa nasabing planta sila bumibili ng mga kahon at plastic na nilalagyan ng produktong saging.

Naniniwala ang militar na nais ng NPA na sirain ang imahe ng Davao City lalo na sa investors.

Probinsya

13-anyos na babae na hinihinalang ginahasa, natagpuang patay sa altar ng chapel

Kaugnay nito, pumanaw na kahapon ng madaling araw si Larry Buenafe, ang fish vendor na na-comatose sa nasabing pag-atake ng NPA makaraang magtamo ng matinding sugat sa ulo dulot ng pagsabog.

Dakong 4:00 ng umaga kahapon nang tuluyang bawian ng buhay si Buenafe dahil sa mga kumplikasyon ng natamong matinding head injury, ayon kay Ricardo Audan, chief of clinics sa Southern Philippines Medical Center.

Tahasang kinondena ni Mayor Sara Duterte-Carpio ang pag-atake ng NPA at ang sinapit ni Buenafe, at humingi ng paumanhin ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa pamilya ng vendor at sa publiko.

Ipinag-utos din ng NDFP ang pagbabayad ng danyos sa pamilya ni Buenafe—sa kauna-unahang pagkakataon na inako ng mga rebelde ang danyos sa pag-atake ng armadong sangay nito. (FER TABOY at YAS OCAMPO)