Patay ang isa sa dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na nakipagbarilan sa mga nagpapatrulyang pulis sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat na natanggap ng Southern Police District (SPD), dakong 12:05 ng madaling araw nangyari ang insidente sa panulukan ng Ninoy Aquino Avenue at Lopez Jaena Extension, Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 4 ng Parañaque Police nang mamataan ang dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo buhat sa madilim na bahagi ng Lopez Jaena Extension.
Sinubukan lapitan ng awtoridad ang dalawa, ngunit bigla umanong bumunot ng baril ang nakaangkas na suspek at pinaputukan ang mga pulis na pawang hindi nagdalawang-isip na pagbabarilin ang mga suspek.
Nahulog sa pagkakaangkas ang namatay na suspek habang nakatakas naman ang kanyang kasama.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Office (SOCO) ng SPD, sa pangunguna ni Chief Insp. Jayson Ermina, narekober ang isang caliber .38 revolver na kargado ng tatlong bala, isang basyo ng bala, dalawang pakete ng umano’y shabu, isang lighter at apat na aluminum foil. (Bella Gamotea)