Tatlong sundalo ang kumpirmadong nasawi habang isa ang nasugatan nang bumagsak ang kinalululanan nilang chopper ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa kasagsagan ng kanilang training sa loob ng Camp Capinpin sa Tanay, Rizal kahapon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa pinapangalanan ang mga biktima dahil hindi pa umano alam ng kanilang pamilya ang nangyari.
Sa ulat na nakarating sa Rizal Police Provincial Office, bago mag-3:00 ng hapon nangyari ang aksidente sa loob ng Camp Capinpin sa Sitio Hilltop, Barangay Sampaloc sa Tanay.
Una rito, nagsagawa umano ng air to ground and disaster rescue operation training ang mga miyembro ng 2nd Infantry Battalion ng Southern Luzon Command.
Katatapos lamang ng kanilang training at pa-landing na ang sinasakyang UH1D helicopter ng apat na biktima nang biglang magkaroon ng problema ang chopper at bumagsak sa loob ng kampo.
Dalawa umano sa mga biktima ang tumalon mula sa chopper ngunit nasawi ang isa, habang nasunog naman ang bangkay ng dalawa pang sundalo. (Mary Ann Santiago)