CAMP GENERAL SIMEON OLA, Legazpi City – Dalawang minero ang nasawi habang limang kasamahan nila ang nailigtas makaraang gumuho ang isang small-scale mining tunnel sa Aroroy, Masbate, nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ni Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, ang mga nasawi na sina John Philip Grego y Bangalisan, 28; at Aljun Balbuena y Mato, 19, kapwa taga-Mabanban 1, Barangay Panique, Aroroy, Masbate.

Nakaligtas naman sa gumuhong tunnel sina Marison Manlapas y Campo, 30; John Philip Grego y Bangalisan, 28; Garry Aninang y Villanueva, 30, pawang taga-Mabanban 1, Bgy. Panique, Aroroy; Kevin Balbuena y Mato, 24, ng Bgy. Luy-a, Aroroy; Marlon Manlapas y Campo, 28; at Emart Manlapas y Campo, 21, kapwa taga-Sitio Bagong Sirang, Bgy. Panique, Aroroy, Masbate.

Sinabi ni Calubaquib na batay sa paunang imbestigasyon, bandang 8:30 ng umaga nitong Miyerkules nang gumuho ang tunnel, na may lalim na 140 metro, habang nagtatrabaho roon ang pitong minero.

Probinsya

Suspek sa pinatay na 7-anyos na batang babae, nakainom bago upakan ang biktima!

Ayon kay Calubaquib, mabilis na naikasa ang rescue operations at nailigtas ang lima sa mga na-trap na minero.

Bandang 2:50 ng hapon na nang mailabas ang wala nang buhay na katawan ni Grego, habang 7:30 ng umaga naman kahapon nang mailabas ang patay na ring si Balbuena.

Sinabi ni Chief Insp. Ariel Neri, hepe ng Aroroy Municipal Police, delikadong pasukin ang hukay dahil ilang buwan na itong nakatiwangwang, at wala rin umanong pahintulot ang mga minero na pasukin ang nasabing minahan.

(Niño Luces at Fer Taboy)